1,2,3… ASAWA NI MARIE…

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAALALA n’yo ba ang paboritong laruin ng mga bata noon? ‘Yan ang pumasok sa isip ko matapos mabasa ang suhestyon ng isang mambabatas para sa kababaihan ngayong ika nga ay mala-impyerno ang init.

Payo ng dating health secretary na isa nang mambabatas, huwag muna magsuot ng panty ang mga babae kung nasa bahay lang para maiwasan ang fungal infection.

Sabi ni Rep. Janette Garin, pag tag-init ang mga babae ay prone sa fungal infection. Pero hindi naman anya ito sexually transmitted disease. Paliwanag niya, ang normal flora sa intimate areas, sa pubic area, sa perineal area ng babae, kapag medyo basa o pinapawisan at mainit ang panahon, ay perfect petri dish para dumami ‘yung ating fungi.

Dagdag ni Garin, ang candida albicans na nasa balat ay dadami kaya siya nagiging makati.

Huwag daw kamutin nang kamutin dahil lalong kakati.

Kailangang panatilihing tuyo. Hindi ‘yung mamasa-masa.

Kaya huwag na daw magsuot ng panty kung nasa bahay lang.

Paano kung hindi komportable, asiwa at hindi mapakali ang babae na walang sapin ang biyak, (wala lang malisya ha)?

May basehan naman daw ang suhestyon ni Garin, ayon naman kay DOH Secretary Teodoro Herbosa.

Gayunman, hindi laglag-panty lang ang puwedeng gawin ng kababaihan para malabanan ang candidiasis. May opsyon daw.

Magsuot pa rin daw ng panty kung naaasiwa pero ‘yung cotton panty ang gamitin dahil hindi nito nakukulob ang pawis o moisture na siyang sanhi ng fungal infection.

Ang opinyon ni Herbosa ay ibinase niya sa payo mula kay Dr. Ma. Antonia Esteban Habana, chairperson ng Philippine General Hospital Obstetrics and Gynecology Department.

At ang suhestyon naman daw ni Garin ay may basehan dahil may ilang obstetrician-gynecologists na ganun din ang paalala.

Hindi naman sang-ayon ang dating DOH special adviser na si Dr. Tony Leachon sa suhestyon ni Garin dahil ang nagdudulot aniya ng heatstroke ay dehydration kaya dito dapat nakasentro ang usapin at hindi sa pagtanggal ng salawal. Bukod aniya sa ito’y hindi hygienic, hindi rin disente. Tama naman.

May gamot sa pangangati ng kaselanan na sanhi ng candidiasis.

Liban sa pagsuot ng cotton panty, mayroon ding feminine wash na makapipigil sa fungal infections.

Pero para sa ilan, makatitipid nang kaunti kapag hindi nag-panty. Hindi rin naman lahat ay cotton panty ang gamit habang ang feminine wash ay mahal din.

Sa gitna ng mga seryosong isyu na bumabalot ngayon sa bansa, hindi na rin masama na mahaluan ng mga ganitong tila kakatwa. Aminin, medyo nakagagaan ng saloobin ang mga usaping tulad nito dahil hindi mo maiwasang hindi mapangiti.

Teka, may mga bata pa bang alam ang “1,2,3, asawa ni Marie. Araw-gabi walang panty?”

61

Related posts

Leave a Comment