140 PORSYENTONG DAGDAG SA MINIMUM WAGE

SIDEBAR

Nitong nakaraang Lunes, o dalawang araw bago ang selebras­yon ng Araw ng Paggawa, naghain ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng petisyon sa National Capital Region (NCR) wage board na humihingi ng karagdagang P710 sa minimum na arawang sahod na nagkakahalaga ng P537.

Ito na marahil ang pinakamalaking dagdag-sahod na hiniling ng TUCP at maski ng ibang grupong obrero. Ibig sabihin ay magiging P1,247 ang daily minimum wage ng mga ordinaryong empleyado sakaling aprubahan ng NCR wage board ang panukala ng TUCP na itinuturing na pinakamalaking grupo ng mga labor federation.

Halos 140 porsyentong pagtaas sa minimum wage ang nais mangyari ng TUCP at kung magkakagayon ay aabot ng P32,000 ang buwanang sweldo ng mga ordinaryong manggagawa na siyang entry level ng sweldo ng mga bagong pulis na may ranggong Patrolman na dating Police Officer 1.

Suntok sa buwan mang maituturing ang panukalang ito ng TUCP, hindi rin natin sila masisi kung ang naturang numero ang lumabas sa kanilang pag-aaral base sa kasalukuyang presyo ng mga basic commodities, tantos ng implasyon at pati ang singil sa tubig, kuryente at upa sa bahay.

Sa punto de vista ng TUCP, kailangan nilang ilaban ang naturang wage increase at kung ano man ang maging desisyon ng NCR wage board ay wala rin silang puwedeng gawin kundi tanggapin ang naturang desisyon.

Tungkulin din ng TUCP sa mga manggagawa – miyembro man o hindi ng kanilang organisasyon – na imulat sila sa pangangailangan ng isang “living wage” o yaong antas ng sweldo na puwede silang mamuhay ng disente at kapangyarihan na bilhin ang kanilang mga batayang pangangailangan.

Nakapagtataka lang kung bakit tila walang kampanya ang militanteng Kilusang Mayo Uno para sa dagdag na sahod gaya ng ginagawa nito sa mga nakaraang Araw ng Paggawa.

Mas pinili ng KMU noong selebrasyon ng Labor Day nitong Miyerkoles ang mga politikal na panawagan gaya ng di pagboto sa mga kandidato sa pagka-senador ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagsuporta sa mga kandidato ng Makabayan bloc gaya ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Kumpara sa KMU, mas consistent ang TUCP sa pagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng dagdag na sahod at maayos na kondisyon sa mga pabrika at pagbibigay tuldok sa masamang sistema ng “Endo” o end of contract na hanggang sa ngayon ay ipinapatupad pa rin ng ilang mga kompanya.

Narito ang paliwanag ng TUCP kennelling na bagong petisyon para sa 140 porsyentong dagdag sa minimum wage: “Metro Manila workers should already be receiving a minimum of P1,247 salary in order for them and their families to live normal and decent lives. The current P537 wage for minimum wage earners in Metro Manila is highly insufficient in the light of rising costs food and services caused by taxes and inadequate government services and social protection assistance to poor Filipinos.” (Sidebar /  RAYMOND BURGOS)

129

Related posts

Leave a Comment