2 IMMIGRATION OFFICERS, NA-PROMOTE NG MAGIC?

BISTADOR ni RUDY SIM

NAPAKAHIRAP din ng kalagayan ng ating Immigration Officers na nakatalaga sa lahat ng airport sa ating bansa. Kahit ginagawa lamang nila nang tama ang kanilang tungkulin ay sa kanila pa rin ang sisi at kaliwa’t kanang maaanghang na salita ang kanilang natatanggap at mga negatibong post sa social media kapag mayroong hindi napagbigyan na kababayan natin paalis ng bansa.

Ang human trafficking ay hindi lamang matagal nang problema sa ating bansa kundi sa buong mundo na patuloy na nambibiktima ng mga pobreng kababayan natin na nais makapagtrabaho sa ibang bansa, kahit na walang kasiguruhan kung ano ang kanilang sasapitin sa kanilang magiging employer.

Mayroong mga pinalad ngunit mas marami ang napahamak na mga kababayan natin na nakulong sa ibang bansa at ang iba ay ibinenta sa white slavery syndicate, minaltrato at ang iba pa ay umuwi nang wala nang buhay.

Ito ang iniiwasan ng mga IO sa airport na mangyari kaya masusi nilang binubusisi ang travel documents ng lahat ng pasahero kaya’t labag man sa kanilang kalooban na pigilan ang pag-alis ng marami at makitang lumuluha ang pasahero, ay kanila lamang sinisiguro ang kaligtasan ng mga ito.

Hindi maiiwasan na mayroong tiwali at bulok sa airport na nasisilaw sa salapi at nakikipagsabwatan sa sindikato ngunit iilan lamang ito dahil para sa isang Immigration Officer ay masakit na masira ang kanilang pangalan at kuntento na ang ipapakain nila sa kanilang pamilya ay hindi galing sa masama.

Kaugnay nito, may ilang immigration officers na matagal nang panahon na nagpapakahirap sa kanilang trabaho at umaasang sila’y makatikim naman ng promotion upang umangat ang kanilang ranggo.

Pero ano itong sumbong sa atin na mayroong dalawang IO na walang kahirap-hirap at walang karanasan sa pag-upo sa airport counter, na matapos lamang ang ilang buwan na training sa Clark ay biglang na-promote? Wat? May Gad, Madam Inuts!

Sino itong isang babaeng bata umano ni Madam Inutz sa BI main office na IO-1 lamang nang pumasok sa training at paglabas ay naging IO-2 na? Hmm, isip-isip din minsan, madam. Ano ‘yan palakasan system? Hindi naman po tayo tutol kung deserve naman nito na ma-promote pero mas marami sa airport ang halos magretiro na at hanggang ngayon ay kasabay na ng kanilang uniporme na napaglumaan ng panahon.

Teka meron pa! Alam ba ninyo, isa pang hinayupak na bulok na lalaking IO na si alias “Ver” na supplier at nagpapalusot ng pasahero, na isinusuka ng mga kapwa IO nito, ang kasamang na-promote bilang IO-2? Sino kaya ang backer nito at paano nakalusot?

Para sa inyong reaksyon at sumbong i-text lamang ako sa 09158888410.

100

Related posts

Leave a Comment