FUEL SUBSIDY, MALAKING TULONG SA MGA PILIPINONG TSUPER

THINKING ALOUD
Ni Claire Feliciano

MAGANDANG balita para sa mga kababayan natin sa sektor ng pampublikong transportasyon, ang pag-apruba ng pamamahagi ng halos P3 bilyong subsidiya na tiyak makatutulong sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs) lalo na ngayon na kaliwa’t kanan ang pagtaas hindi lamang ng presyo ng diesel at gasolina, kundi pati na rin ang presyo ng ilang basic commodities.

Bagama’t alam naman natin na hindi pangmatagalan o sustainable ang konsepto ng subsidiya dahil nakaasa ito sa availability ng pondo mula sa pamahalaan, malaking tulong naman ito sa mga nagbibigay-serbisyo para maihatid tayo sa ating patutunguhan kahit na matindi ang daloy ng trapiko, o hindi maganda ang panahon.

Tinataya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa 280,000 na mga PUV driver at operator ang makakukuha ng cash aid na ito mula sa ahensya, samantalang nasa 930,000 na mga tricycle driver at 150,000 na mga delivery rider naman ang makatatanggap mula sa Department of the Interior and Local Government at ng Department of Information and Communications Technology.

Target na maipamahagi ang subsidiya ngayong buwan ng Agosto para agad na mapakinabangan ito. Nitong nakaraang linggo, tumaas ng P4 kada litro ang presyo ng diesel, at P0.50 kada litro naman ang gasolina. Kung susumahin, nasa P11 kada litro na ang itinaas ng gasolina ngayong taon at nasa P3.10 kada litro naman sa diesel.

Umaaray rin ang marami sa mga pampublikong tsuper dahil tumataas ang presyo ng fuel kaya nga mayroon pa silang nakabinbing petisyon para magtaas ng pamasahe noon pang nakaraang taon.

Minabuti na rin nila na muling idulog ang petisyong ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon, at ngayon ay humihingi sila ng dagdag singil tuwing rush hour na sa kasalukuyan ay tanging mga Transportation Network Vehicle Service (TNVS) kagaya ng Grab, ang mayroong ganitong mekanismo.

Sa proposal na ito, magkakaroon ng surcharge fare na P1 sa base fare ng jeepneys at P2 sa city buses tuwing peak hours o mula 5:00 ng umaga hanggang 8:00 ng umaga, at 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi maliban na lang kung araw ng Linggo o mga holiday.

Dahil hindi ito subsidiya, pinag-aaralang mabuti ng ating pamahalaan ang magiging epekto nito. Kailangan talaga hanapin ang tamang balanse sapagkat ang tatamaan naman ay ang mga Pilipinong commuters na, kagaya ng mga driver, ay nagbabayad din ng tumataas na presyo ng iba pang produkto at serbisyo.

Napabalita rin kamakailan na may mga manufacturer na dumulog naman sa tanggapan ng Department of Trade and Industry para makapagpatupad ng taas-presyo sa ilang mga bilihin bunsod naman ng mas mahal na production cost.

Kabilang dito ang mga staple grocery item kagaya ng sardinas, condensed milk, evaporated milk, powdered milk, kape, instant noodles, bottled water, canned meat at sabon. Ang petisyong dagdag singil sa food items ay nasa P0.10 hanggang P7, at nasa P1.50 to P9.75 naman sa non-food items.

Sa iba namang balita na makikinabang ang mga kababayan nating nasa marginalized sector katulad ng mga benepisyaryo ng Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, patuloy ang paghikayat ng Meralco na mag-apply na sila sa lifeline rate program.

Kung aprubado ang aplikasyon, maaari silang makinabang sa diskwentong 20% hanggang 100% sa bayarin nila sa kuryente depende sa kanilang aktwal na konsumo. Nagsasagawa ang Meralco ng mga barangay caravans at information campaigns para mas marami pa ang makinabang sa programang ito.

181

Related posts

Leave a Comment