46 OPISYAL NA KASAMA SA NARCO-LIST, KASUHAN NA!

POINT OF VIEW

Marami ang nagulat, umaray, nagalit, at tumaas ang kilay sa inilabas na 46 pangalan ng politiko na kasama sa sinasabing narco-list na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa National Peace and Order Council sa Davao City nitong Marso 14, 2019.

Kung may katotohanan ang nasabing listahan, na kinabibilangan ng mga nakaupong lokal na mga opisyal, gaya ng mga vice mayor, mayor at gobernador, hindi nakakapagtaka kung bakit hindi nasusugpo ang pagkalat ng mga ilegal na droga at adik sa buong bansa.

Siyempre, kung ang mismong mga namumuno sa isang lugar ang siyang nagpapasimuno sa pagpapakalat nito, o nagbibigay ng pahintulot sa illegal drug trade, malabong magtagumpay ang kasaluku­yang administrasyon sa kanilang kampanya laban sa salot na ito ng lipunan.

Ito ay sa kabila na magtatatlong taon na ang illegal drug campaign at libu-libong buhay na ang nawala sa kampanyang ito.

Katunayan, napupulaan na ang gobyerno ni Pangulong Duterte hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo dahil sa madugong kampanya sa paglipol sa ilegal na droga, subalit nakakapagtaka na patuloy pa rin ang pagpasok at pagkalat ng ilegal na droga sa bansa lalo na ang shabu.

Ang hindi ko lang maunawaan, sa kabila na sinasabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na berepikado, validated, at may hawak silang mga ebidensiya laban sa binanggit na mga lokal opisyal na nasasangkot sa illegal drug trade, bakit wala pa silang ginawang aksiyon laban sa mga ito.

Ang maganda sanang ginawa ng mga opisyal ng DILG at PNP dahil may hawak naman silang matibay na mga katibayan, bago sana nila inilutang ang narco-list, kinasuhan muna ang mga ito upang maalis ang anumang mga pagdududa na ginagamit lang itong isyu sa politika.

Lalo na’t dalawang buwan na lamang bago ang gaganaping midterm elections sa bansa, baka isipin na talagang sinadya ang paglalabas nito upang siraan ang kalaban sa politika ng kasaluku­yang administrasyon.

Mahirap na mauwi lamang sa ‘trial by publicity,’ ang ganitong mga usapin dahil kawawa naman ang mga tatamaan na hindi naman mapapatunayan sa korte ang akusasyon at nasira na ang kanilang pangalan. Parang nababalewala rin ang kampanya kontra droga dahil wala namang nakakasuhan samantalang marami ang naakusahan.

Ang mahalaga talaga ay magkaroon muna ng matibay na mga ebidensiya at kaso laban sa isinasangkot na opisyal at hindi ‘yung sabi-sabi lang o batay sa intel report na ang layunin ay manira lamang ng kalaban sa politika. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

 

146

Related posts

Leave a Comment