ADMIN OFFICER SA AIRPORT NAMAMASAHERO?

BISTADOR ni Rudy Sim

SA kabila ng kampanya ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na labanan ang katiwalian ng ilang mga tauhan ng BI ay mayroon pa rin talagang ilang pasaway partikular sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang napakalakas ng loob umanong nakikipag-ugnayan sa sindikato ng human trafficking na responsable sa pagpapalusot ng ilan nating mga kababayan na nais magtrabaho sa ibang bansa kahit hindi sapat ang travel documents nila.

Katunayan lamang ito na ang naging pagkilos kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na lusawin ang Port Operations Division ng BI ay hindi solusyon sa problema ng korapsyon sa airport dahil mas marami pa rin ang mga opisyales at tauhan ng ahensya na patas sa kanilang trabaho.

Isang opisyal umano ng BI na nakatalaga sa NAIA Terminal 3 na si alias “Wilson” ang isinusuka ng kanyang mga kasamahan sa airport dahil nagiging anay ito sa BI na siyang nakasisira sa imahe ng bagong administrasyon.

Sino kaya ang nasa likod ng damuhong ito at tila walang takot sa kabila ng banta ni Tansingco na hindi siya magdadalawang isip na sibakin ang sinomang masasangkot na tauhan ng BI sa airport sa matagal nang problema ng pamahalaan sa human trafficking sa bansa.

Sa halagang 150K kada isang ulo o pasahero na napipilitang magbayad upang palusutin ito sa immigration counter, ay madalas na nagagawa ito ni alias “Wilson” at ang huling pinalusot umano nito ay tatlong Pinay patungong Dubai? Sinosolo lamang umano nito ang kita dahil takot din ang kanyang mga kasamahan na masangkot sa ginagawa nitong katiwalian.

Marami sa ating mga Pinay na kababayan ang nagiging biktima ng sindikato na pinapangakuan ng trabaho sa middle east, kabilang sa Dubai, ngunit ang panganib ay naghihintay sa kanila dito at anomang oras ay posible silang mapahamak dahil maaari silang ibenta bilang sex worker.

Bagama’t maraming kinahaharap na problema ang BI sa iba’t ibang isyu, subalit sa kabila nito ay marami ang natutuwa sa mabillis na trabaho ngayon ng ahensya sa pamunuan ni Tansingco na siyang nagbibigay naman ng positibo at magandang resulta sa maayos na paglilingkod.

Panawagan ng ating mga tagasuporta sa airport na patuloy na nagtitiwala sa Bistador, na sana’y tingnan at paimbestigahan ni Tansingco ang kalokohan ng isang kawani ng BI sa airport upang matigil na ang raket nito na ginagatasan ang ating mga kababayan kahit alam nitong posibleng mapahamak ang pinalusot na pasahero sa ibang bansa.

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

168

Related posts

Leave a Comment