Mahalaga ang propesyonalismo sa serbisyo para sa ating uniformed personnel sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) gayundin sa iba pang sangay ng seguridad. Pero sadyang mayroon talagang ilang bugok sa hanay na kung hindi agad maihiwalay ay malamang damay ang iba pa sa kanilang kabuktutan.
Kinang ng salapi ang sumisira sa propesyonalismo, pero iilan lang naman ang nabibiktima nito. Mas marami pa rin ang tapat sa kanilang tungkulin na sundalo at pulis.
Isang halimbawa ay ang agarang aksyon ni PNP chief General Oscar Albayalde sa nangyaring pag-escort ng dalawang pulis sa isang politiko sa Marilao, Bulacan, si Ricardo “Ricky” Silvestre, kumakandidatong mayor.
Thumbs up din kay Police Colonel Romeo Caramat, provincial director ng Bulacan, dahil hindi niya kinunsinti ang kanyang mga element na gumawa ng ‘di awtorisadong pag-escort kay Silvestre. Siyempre, higit sa lahat ang masigasig na paggampan ng kanilang trabaho ang PNP-Intelligence Group (IG) at Counter-Intelligence Task Force (CITF), sila ang nakahuli sa dalawang pulis na ginagamit umano ni Silvestre bilang mga escort sa kanyang pangangampanya
Nahaharap ngayon sa kasong administratibo ang dalawang nahuling pulis na sina Police Corporal Gerlie Garcia y Dela Cruz at Police Patrolman Jed Ceril Sevilla y Candido, pawang mga miyembro ng Marilao Police Station. Posibleng ma-dismiss pa sila sa serbisyo kapag mamalasin sila nang todo.
“The said violation was properly documented, photograph and video recorded. Appropriate administrative charges (are) being prepared against above mentioned PNCO’s,” ayon kay Caramat.
Dahil sa command responsibility, sinibak ni Albayalde ang hepe ng Marilao police na si Police Lt. Col. Ricardo Pangan. Kawawa naman si Pangan dahil posibleng administratibo hanggang sa pagkasibak sa serbisyo ang puwede ring kahantungan ng kanyang career bilang pulis.
Pero nasa kamay pa rin ng Commission on Elections (Comelec) ang kapalaran ng mga pulis na ito. Ang PNP ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Comelec tuwing panahon ng halalan.
Pero ang pinakaaabangan ay ang magiging imbestigasyon ng Comelec kay Silvestre na ayon sa ilang nakausap kong legal luminaries, puwedeng ikadiskwalipika ng kandidato ang insidente. Kabado ngayon ang mga tagasuporta ni Silvestre sa Marilao sa posibleng diskwalipikasyon ng kanilang manok sa pagka-alkalde.
Sakaling madiskwalipika si Silvestre, “walk in the park” na ang kanyang katunggali na si Atty. Jem Sy. Malamang malaking pagbabago ang hatid ng batang abogadang ito para sa kanyang bayan at kapwa na Marilenyo.
Kaya para sa mga pulis at sundalo natin, ‘wag magpagoyo sa kinang ng salapi para lamang mag-escort sa mga tiwaling politiko na takot sa sarili nilang multo. Dahil sa bandang huli, kayo rin ang mapapasama, hindi kayo matutulungan ng mga politikong ito sa kagipitan. (Bago to! / FLORANTE S. SOLMERIN)
145