Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-4 Bahagi) PANGATLONG TITULO, NAKAMIT NI PACQUIAO vs BARRERA

NOBYEMBRE 15, 2003 nagpatuloy ang dakilang ipamamana ni Manny Pacquiao sa larangan ng boksing at sa palakasan, sa kabuuan.

Sa nabanggit na petsa hinarap ni Pacquiao ang Mehikanong si Marco Antonio Barrera sa 12-round na sagupaang ginanap sa Alamodrome sa San Antonio, Texas kung saan nakamit ng idolong Pilipino ang pangatlo sa walong dibisyong paghaharian niya, na siya lamang ang makagagawa sa kasaysayan ng boksing.

Ang kampeonatong lineal sa timbang na featherweight ang pinaglabanan ng dalawa, na itinuring noon at hanggang sa kasalukuyan na panahon ng pinakamagagaling na ­boksingero sa 126 librang dibisyon.

At pinatunayan ito ng Mehikano, na llamado, 4-1 sa logro ng mga mamumusta, nang pabagsakin niya ang pambato ng ­Pilipinas sa unang round pa lamang.

Subalit gaya ng dalawang naunang nakasagupa ng ating bayani para sa unang dalawang dibisyong titulo – ang Thai na si Chatchai Sasakul sa flywewight at Aprikanong si Lehlo Ledwaba na kapuwa hindi natapos ang takdang 12-round– hindi rin tumagal ang ipinagmamalaki ng Mehiko.

Nabawi ni Manny ang 1st round knockdown nang ­patumbahin niya ang kalaban sa third. Natapos ang 4th na maga ang dalawang mata ni Barrera.

Isa pang knockdown ang iniskor ng Pambansang Kamao sa 11th na nagtulak sa corner ng Mehikano na ihagis ang tuwalya bilang hudyat na suko na ang kanilang mandirigma, apat na segundo pa lamang ang nakalilipas sa round.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataong lumaban si ­Pacquiao bilang featherweight. Agad siyang bumalik sa Pilipinas noong Nob. 24 at ginawaran siya ni noo’y ­Pangulong Gloria ­Macapagal-Arroyo ng Presidential Medal of Merit sa Ceremonial Hall ng Malakanyang.

Nang sumunod na araw, pinarangalan siya ng Mababang Kapulungan ng Congressional Medal of Achievement sa bisa ng Resolusyon Blg. 765 na ­kinatha ng noon ay House Speaker Jose de Venecia at Cong. Juan Miguel Zubiri ng Bukidnon.

Sa kanyang pahayag sa reporter na ito sa overseas phone call matapos ang laban, sinabi ni Manny: “Si Barrera ay itinuturing na isa sa mga, o marahil ay pinaka-pangunahing ­pound-for-pound fighter sa daigdig. Nang ako ay naglalakad patungong ring, mga boo at kantyaw ang sumalubong sa akin mula sa fans. think I only had one fan – ang trainer kong si Freddie Roach.”

“Bago lamang ako dito. As for the fight, I was in total control. Every round felt like the first round because my conditioning was so good. I never got tired,” dagdag niya.

“Nang nasa ibabaw na ako ng ring, sa halip na boo, wala akong narinig. The Barrera fans were so surprised that I won and by the way I won.”

87

Related posts

Leave a Comment