P1.5-M NALIMAS SA 73-ANYOS JEWELER

TINATAYANG P1 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga alahas at P500,000 cash ang natangay ng nag-iisang holdaper na bumiktima sa isang 73-anyos na jewelry shop owner sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.

Batay sa ulat ni P/Capt. Gerry Campo, hepe ng Manila Police District- Theft and Robbery Section, bandang alas-7:00 ng umaga nang tutukan ng baril ang negosyanteng si Teodulo Cay, may asawa, habang nasa loob ng kanyang jewelry shop malapit sa Pearl Blossom Hotel sa #1543 Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz, Manila.

Kinuha ng suspek sa biktima ang itim na Louis Vuitton bag na naglalaman ng P1 milyong halaga ng mga alahas at P500,000 cash.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksiyon ng Florentino Torres St. sa Sta. Cruz.

Gayunman, malaki ang hinala ng pulisya na hindi lamang nag-iisa ang suspek at ipinalalagay na mayroon itong back-up sa nasabing krimen. (RENE CRISOSTOMO)

70

Related posts

Leave a Comment