ALOK NA TULONG SA PINAS, ‘DI DAPAT PINALALAGPAS

PUNA ni JOEL AMONGO

HINDI maikakaila sa lahat na ang ating bansa at ang buong mundo ay nakaranas ng matinding pagsubok mula sa COVID-19 pandemic na kumitil ng milyun-milyong buhay at nagdulot ito ng pagbagsak ng ekonomiya ng halos lahat ng mga bansa, mayaman man o mahirap.

At isa tayo sa dumanas at patuloy pa rin na dumaranas ng epekto ng pandemya hanggang sa kasalukuyan. At hanggang hindi pa isinasantabi ng World Health Organization (WHO) ang kategoryang “pandemic” ay nasa kalagayan pa rin tayo nang wala pang tiyak na kaligtasan sa idinudulot ng virus.

Hindi rin lingid sa atin na mula pa sa liderato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, ay nagsagawa sila ng malawakan at seryosong panawagan ng tulong mula sa bawat sektor ng ating lipunan.

Ang tulong ay para magsama-sama tayong lahat na mga Pilipino upang malabanan ang sakit na dulot ng pandemya lalo na para maibangon ang ating ekonomiya.

Sa termino ni PRRD ay gumawa siya ng mga karampatang hakbang upang matugunan ang mga pangangailan ng ating bansa at upang mailigtas tayo sa kapahamakan.

Dahil dito ay lumapit tayo sa mga karatig na bansa para matulungan tayo lalung-lalo na sa pagbili at pagkakaroon ng agarang supply ng mga bakuna.

Bukod sa bakuna ay may mga pamamaraan na ginawa ang pamahalaan para maka-agapay at hindi tuluyang bumagsak ang ating ekonomiya.

At bagama’t sagrado ang mga naging layunin ay mayroon itong naging kaakibat na mabigat na responsibilidad at sabi nga sa wikang Ingles “Many did not come free but with a price”. Sa madaling salita ay lalo pang nadagdagan ang ating “pambansang utang” na umabot na sa mahigit P13T sa ngayon.

At bilang responsableng mamamayan, dapat na pagtulungan nating lahat bilang mga Pilipino, ang suliranin ng ating bansa at sama-sama nating tugunan ang panawagang tulong ng ating kasalukuyang Presidente at upang mai-angat natin ang ating lugmok na ekonomiya.

Alam nating lahat na higit kanino man ay tayong mga Pilipino ang dapat na kasama ng ating gobyerno para mag-abot ng tulong na naaayon sa ating kakayahan.

Dahil sa seryosong panawagan na ito ng ating liderato ay nilapitan ako ng isang kakilala at kaibigan mula sa pribadong sektor at naikwento niya ang kanilang ginawang pagtugon.

Aniya, naghain at nagmungkahi sila ng kanilang alok na bukas-palad na tulong para magamit sa mahahalagang mga proyektong panlipunan at pangkawang-gawa sa ating bansa at para rin makatulong sa pagbangon ng ating ekonomiya.

Sumulat daw sila sa ating Pangulo sa pamamagitan ng kanyang tanggapan mula pa noong nakaraang Nobyembre 2022 ukol dito. Subalit hanggang sa kasalukuyan ay naghihintay pa rin daw sila ng positibong tugon mula sa ating mahal na Presidente para maiprisinta sana nila at matalakay ang kabuuang detalye at sa ganoon ay malaman din nila kung katanggap-tanggap ba ang kanilang alok na may pagsasaalang-alang sa anomang polisiya, pamantayan at mga patakaran ng ating pamahalaan at ng mga kinauukulan.

Sana ay makatulong ang hanay na ito at kasama ako sa lubos na nananalangin na sana ay mabigyang-pansin ang tungkol sa sinasabing alok na tulong habang naririyan pa.

Bilang Pilipino na nasa hanay rin po ng media, ay nais nating makatulong sa ating mga kababayan at sa pamahalaan kung papaano po tayo makababangon sa epekto ng COVID-19 pandemic.

At patuloy rin po sanang pagpalain ng Maykapal ang ating bansang Pilipinas!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

125

Related posts

Leave a Comment