ANG HOUSE BILL 7980 NI YAMSUAN

TARGET ni KA REX CAYANONG

NAIS ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan na masiguro ang kahusayan, kaginhawaan, at kaligtasan ng mga senior citizen sa bansa.

Sa pamamagitan ng House Bill 7980 o “Long Term Care for Senior Citizen,” layunin nitong mabawasan ang kahirapan at kahinaan ng mga nakatatanda sa pamamagitan ng makabuluhang mga interbensiyon na magbibigay proteksyon laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, pagpapabaya, at diskriminasyon.

Sa pangunguna ni Yamsuan, nais niyang isama ang mga indigent senior sa livelihood programs, social insurance, at iba pang mekanismo upang mabigyan sila ng sapat na suporta.

Ang panukalang batas ay naglalayon ding tiyakin ang modernong serbisyong matatanggap ng mga nakatatanda, partikular sa ilalim ng lokal na pamahalaan.

Aniya, sa ganitong paraan ay makaiiwas sila sa sakit at mabigyan ng pangangalaga tulad ng home nursing, hospice care, at suportang medikal at sikolohikal.

Bagama’t ang budget na P49.81 billion para sa social pension sa ilalim ng P5.768 trillion General Appropriations Act (GAA) for 2024, ay malaking tulong sa indigent seniors, tinukoy ni Yamsuan na ito’y kulang.

Hindi raw ito sapat para maibigay ang de-kalidad na serbisyo na kinakailangan ng mga ito.

Ito’y nagbibigay ng diwa sa pangangailangan ng HB 7980 na maging batas upang mabigyan ng karampatang atensyon ang pangangailangan ng nakatatandang sektor.

Kung sakaling maging batas, magiging kamangha-mangha ang pagtutulungan ng Department of Finance (DOF), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), local government units (LGUs), at DSWD sa implementasyon ng programa.

Hindi rin dapat kalimutan si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, ang co-author ng HB 7080, na nag-aambag sa layuning ito.

Ang HB 7980 ay hindi lamang isang panawagan, kundi isang hakbang na naglalayong siguruhing ang mga nakatatanda ay may marangal, malusog, at ligtas na pamumuhay sa kanilang huling yugto ng buhay.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!

104

Related posts

Leave a Comment