ANG LALONG PAGTAAS NG PRESYO NG LUPA DAHIL SA MEGA-MANILA SUBWAY

USAPANG KABUHAYAN

LALONG tataas daw ang presyo ng lupa sa mga lugar sa Metro Manila na dadaanan ng unang Mega-Manila subway na nag-groundbreaking ka-makailan lamang. Sabi ng Colliers International, isang real estate consultancy company, sa Quezon City mas mararamdaman ang pagtaas ng presyo ng lupa at iba pang mga pribadong pag-aari dahil inaasahang magiging bagong sentro ng komersyo ang paligid ng mga bagong subway stations.

Mag-uumpisa sa Min­danao Avenue sa Quezon City ang 30-kilometrong haba na subway, at magtatapos sa NAIA Terminal 3. Inaasahan na babawasan nito ang trapik sa Metro Manila lalo na sa EDSA dahil mayroon itong 15 istas­yon na bibiyahe lang ng 30 minuto mula Quezon City hanggang Pasay sa NAIA 3.

Ang 15 istasyon ng subway ay ang mga ito: Ang depot sa Barangay Ugong sa Valenzuela City, Min­danao Avenue-Quirino Avenue, Tandang Sora, North Avenue, Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, Katipunan sa Quezon City, Ortigas North sa Pasig City, Ortigas South sa Pasig din, Kalayaan Avenue sa Makati City, Bonifacio Global City sa Taguig, Cayetano Boulevard sa Taguig, Food Terminal, Inc. sa Taguig, at NAIA 3 sa Pasay City.

Ayon sa isang komentaryo ng Colliers International, siguradong tataas ang halaga ng lupa at iba pang pag-aari sa loob ng isang ki­lometro mula sa exit ng mga naturang istasyon, lalo na sa Quezon City kung saan mas marami pang lugar malapit sa tatlong istasyon dito na pwedeng i-develop para sa mga  bagong hotel, mga malls o tindahan o shops, condominiums o iba pang pabahay, at iba pang negosyo na lalo lang patataasin ang halaga ng lupa at pag-aari roon.

Tinatayang aabot ng P356.9 bilyon ang gastos para sa subway, na isang proyektong pinasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang pondo ng Japan International Cooperation Agency o JICA.

Mula sa unang subway na ito na inaasahang makukumpleto sa taong 2025, marami pang ibang subway na pinapanukala na gawin ng ating pamahalaan para sa wakas ay mabigyan-solusyon na ang gahiganteng trapik sa EDSA at mga iba pang kalye.

Kung sinimulan na ang mga subways noong panahon pa lang ni dating Pa­ngulong Ferdinand Marcos at na-plano nang maigi ang daloy ng trapiko sa Metro Manila noong panahon niya ay siguradong mas maluwag ang trapiko na inaabot na ng P3.5 bilyon araw-araw ang lugi ng mga motorista ngayon. Da­ngan nga lang at naunahan ng kanya-kanyang attitude ang pagpaplano ng bawat siyudad sa Metro Manila  kaya naghalu-halo na ang balat sa tinalupan at inaabot na ng tatlo hanggang apat na oras na biyahe mula Parañaque patungong Norte.  (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

143

Related posts

Leave a Comment