ANG MABIGAT AY NAGIGING MAGAAN SA PAGTUTULUNGAN

PUNA Ni JOEL AMONGO

ISA ang PUNA sa media na naka-SAKSI sa pamimigay ng groceries at gamot na tulong ng iba’t ibang grupo sa tribong Dumagat sa Sitio Karahume, Brgy. San Isidro, San Jose del Monte, Bulacan noong nakaraang Biyernes, Enero 6, 2023.

Nag-ambag-ambag sina Cindy Joyce Alcanzo ng FC Scrap Trading, Solomon Jover, Michael Miranda ng SLSJ ­Trucking, ALEE Rendering Facility at Skinfine SPA & Salon, para makaipon ng groceries at mga gamot para sa mahigit 300-katao sa tribo ng Dumagat at iba pa sa lugar.

Siyempre, kasama riyan ang magigiting na mga sundalo ng Delta Company 70IB 7IB Philippine Army (PA) na sina Cpl. Paul John Aromin (Asst. Commander), Assistant First SGT CAA ­Julius Rola (San Isidro Patrol Base), CAA Jose Mari Jay Palec, Klemark Titular, Danmar Melendez, Royzon Abobotal, Clemel Titular, Arnel Sabdain at Rene Boy Morales.

Hindi rin magpapahuli sa pagsuporta si P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, Jr., kanyang mga tauhan sa San Jose del Monte City Police, at maging si P/Lt. Aldrin Thomson, na nanggaling pa sa Valenzuela City Police.

Naunang ikinuwento sa PUNA na ang nagrekomenda raw sa grupo para tulungan ang mga residente sa Sitio Karahume, ay ang mga sundalo na nakatalaga sa lugar. Saludo po ko sa inyo, mga sir!
Ang galing naman ng mga sundalo ng gobyerno sa lugar, iisa lang ang ibig sabihin niyan, may malasakit sila sa ating mga kababayan.

Personal na na-SAKSI-han ng PUNA kung paano magkaisa ang mga pulis, sundalo at mga sibilyan na nagbigay ng ­groceries at mga gamot para sa mga kababayan nating naninirahan sa bulubunduking lugar ng Sitio Karahume, Brgy. San Isidro, San Jose del Monte City, Bulacan.

Kaya walang imposible at lahat ay makakaya kapag nagkakaisa ang mga Pilipino, maging mula ka man sa awtoridad, negosyante at mga ordinaryong tao, ‘pag nagsama-sama ang lahat, ang mabigat ay nagiging magaan.

Matatandaan natin nitong nakaraang Disyembre 26, 2022 ay namigay na rin ng bigas at pera si Ginoong Solomon Jover sa daan-daang residente ng Brgy. San Vicente, Sta. Maria, Bulacan.

Walang pinipili si Sir Jover sa kanyang binibigyan ng ayuda maging nasa listahan ka man o wala basta pumunta ka sa kanya ay hindi ka uuwing luhaan.

Anim na taon nang ginagawa ito ni Ginoong Jover bilang pagpapasalamat niya sa Panginoon na hanggang ngayon ay nabubuhay silang mag-anak nang matiwasay at patuloy ang kanilang hanapbuhay.

Sa mga susunod na buwan ay target ng grupo na makapamigay sila ng milyong pisong halaga ng groceries at mga gamot sa mga kababayan nating mapipiling pagkakalooban nila ng tulong.

Mapapa-“sana all” na lang tayo sa kabaitan ng grupong ito at nagpapasalamat din ang PUNA na isa tayo na kanilang ­pinagkatiwalan na maka-SAKSI-han ang kanilang “outreach program”.

Hindi po sila mga politiko, hindi rin sila tatakbo, wala rin ­silang natatanggap na tulong pinansyal mula sa gobyerno, grupo sila ng mga naghahanapbuhay na mga pilantropo na gustong makatulong sa mga Pilipino bilang pagpapasalamat sa kanilang mga tagumpay na naabot sa ngayon.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

134

Related posts

Leave a Comment