AKSYON NA NAGBUBUNGA NG PAGDUDUDA

NANAWAGAN si DILG Secretary Benhur ­Abalos sa mga full-fledged colonel hanggang heneral na magpasa ng courtesy resignation para malinis ang hanay ng pulisya matapos madawit ang ilan sa kanila sa ilegal na droga.

Isang limang-miyembrong komite ang ­magsusuri sa records ng mga opisyal ng PNP, para masala kung sino-sino ang sangkot sa ­ilegal na droga.

Handa namang tumalima ang PNP sa ­hiling ni Abalos bilang pagsuporta. Naghain na ng kanyang courtesy resignation si PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., nitong Enero 5.

Hinimok din ni Azurin ang iba pang matataas na opisyal na gawin ito upang maipakitang ­malinis ang kanilang integridad.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang hinihinging courtesy resignation sa mga senior official ng PNP ay bahagi ng tugon ng administrasyon sa problema sa ilegal na droga.

Magkakasabay namang naghain ng kanilang courtesy resignation ang matataas na opisyal ng NCRPO, sa pangunguna ni NCRPO Chief PMGen. Jonnel Estomo, limang district directors at chiefs of police sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ang tanong: Ang panawagan ba ni Abalos ay epektibong solusyon sa laban kontra ilegal na droga?

Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, ang kahilingan ni Abalos ay hindi patas at hindi makatuwiran. Dapat umano ay tukuyin ang mga tiwali at kasuhan. Apektado rito ang mga inosente at tapat sa kanilang tungkulin.

Ang ginawa ni Abalos ay nagpapahayag na ang pamana ni Duterte sa PNP ay bigo. Insulto ito kay Duterte dahil hayagan itong nagsasabi na ang polisiya ni Duterte sa PNP ay walang ­binatbat.

Ito rin ay pagwasak sa sagradong ­paglilingkod ng kapulisan sa mamamayan.

Teka, hindi kaya kunyari lang ang resignation dahil ang talagang pakay ay loyalty check?

Ang courtesy resignation ay hindi solusyon sa problema sa droga. Lifestyle check ang kailangan, tamang implementasyon ng batas at usigin ang bulok.

123

Related posts

Leave a Comment