Itong mga nagdaang araw ay naging mahirap para sa mga consumers ng kuryente. Noong Biyernes ay nagkaroon ng tigtatlong oras na rotating brownouts sa sakop na franchise area ng Meralco. Ayon sa mga ulat maging ang mga probinsiya na sakop naman ng mga electric cooperatives ay dumanas din ng mga power outage. Kailangan na ng Luzon grid ng karagdagang supply.
Mismong ang kagawaran ng enerhiya o Department of Energy (DOE) na ang nagpahayag nito. Malaki sana ang maitutulong ng planta ng kuryente na nakatakdang itayo ng Atimonan One Energy (A1E) sa bayan ng Atimonan sa Quezon sa usapin ng karagdagang supply ng kuryente sa bansa. Subalit, sa kabila ng pagkakaroon nito ng Certificate of Energy Project of National Significance (CEPNS), nananatili pa rin itong nakabinbin. Ang nasabing planta ay isang high efficiency, low emission (HELE) na uri ng planta na guma-gamit ng coal at may kapasidad na 1,200 megawatts.
Ang pahayag ni Usec Wimpy Fuentebella ng DOE ay hindi nagkakalayo sa pahayag ni dating kalihim ng DPWH at ngayo’y CEO at Presidente ng Meralco PowerGen na si Rogelio “Babes” Singson. Ayon kay Singson, kailangan ng bansa ng mga bagong planta dahil masyado nang luma ang mga kasalukuyang planta ng kur-yente. Mahigit 70 porsyento nito ay may edad na 15 taon pataas. Binigyang diin ni Singson ang patuloy na pagtaas ng demand ng kuryente sa bansa kaya’t mas lalong kailangan ng bagong mga planta ng kuryente upang masigurong mayroong sapat na supply bilang tugon dito.
Napakalaki ng papel na ginagampanan ng kuryente sa kaunlaran ng isang bansa kaya’t napakaimportante na masiguro na kayang tugunan at sabayan ng supply ng kuryente ang tumataas na demand ng kuryente habang patuloy na umuunlad ang Pilipinas. Kung hindi, maaaring maulit ang nangyari noong panahon ng 90’s kung saan ang mga brownout ay umaabot hanggang 12 oras dahil sa matinding kakulangan ng supply ng kuryente. Maaari rin itong maging dahilan ng pagtaas ng presyo ng kuryente pagkat pag mababa ang supply at mataas ang demand tiyak na tataas ang presyo. Hindi lamang ito sa kuryente kung ‘di pati sa ibang mga bilihin. Ito ang prinsipyo ng law of supply and demand. Sa madaling salita, tayong mga konsyumer ang pinaka-maaapektuhan kung magkakaroon tayo ng krisis sa supply ng kuryente.
Maliban sa karagdagang supply malaki rin ang naitutulong ng A1E sa bayan ng Atimonan, Quezon.
Bagama’t hindi pa nagsisimula ang pagtatayo ng nasabing planta ng kuryente, nagsimula na ang pakikipagtulungan ng A1E sa lokal na pamahalaan ng Atimonan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga programa at proyektong makakapagpaunlad sa Atimonan at makakapagtaas sa antas ng kanilang kabuhayan. Nakapaglunsad na ng isang pabahay ang A1E sa pakikipagtulungan nito sa Habitat for Humanity Philippines Foundation. Ang pabahay na ito ay laan para sa mga pamilyang naninirahan sa Sitio Carinay. Ang mga bahay na ito ay may kuryente na at tubig at handa nang matirhan ng mga pamilyang magmamay-ari nito. Bukod pa rito, naglunsad din ang A1E ng bokasyonal na training para sa mga residente upang matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pagtutulungang ito ng A1E, at ng lokal na pamahalaan ng Atimonan ay isang magandang ehemplo na ang pagpapaunlad ng komunidad at ang pagtatayo ng planta ng kuryente sa lugar ay parehong makabubuti sa komunidad at ekonomiya. Hangad at layon ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan na gawing isang smart city at sentro ng turismo sa Timog Luzon ang Atimonan. Ang layuning ito ay madali nilang maaabot dahil naging bukas sila sa pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor na naglalayong hindi lamang basta kumita kung hindi makatulong din mismo sa komunidad. Isa ang bansang Hapon na mayroon ding mga plantang gumagamit ng high efficiency technology at mismong ang inyong lingkod ang nakakita na ito ay matiwasay na nag-o-operate sa tabi ng mga daluyan ng tubig at kung saan ay may nangingisda pang mga naninirahan doon.
Nawa’y iwasan nating bigyan ng masamang kulay o pakahulugan ang mga hakbang na ginagawa ng pribadong sektor at ng lokal na pamahalaan lalo na kung nakikita naman ang mga mabuting epekto ng mga ito sa komunidad na kanilang pinagsisilbihan at tinutulungan. Sa halip na magsiraan, magtulung-tulong tayo para sa kaunlaran. Ang isang maunlad na bayang tulad ng Atimonan ay tiyak na magbibigay ng magandang buhay sa mga taong naninirahan dito at handa ang pamunuan ng A1E na tumulong upang ito ay maisakatuparan. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
143