ANG PAGBABALIK NI MANG KANOR SA BI

BISTADOR ni RUDY SIM

NAGULANTANG ang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) matapos lumabas ang isang balita at litrato ng isang dating opisyal ng ahensya na muling nakabalik at nanumpa sa harap ni Executive Secretary Lucas Bersamin bilang isa sa deputy commissioners ng BI sa pamahalaang Marcos Jr.

Matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay lahat ng presidential appointees sa nakaraang administrasyon ay pinalitan ngunit ilang buwan mula nang nagsimulang manungkulan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay isa ang BI sa mga huling napunuan bilang commissioner at deputy commissioners dahil binusising maigi ni dating Executive Secretary, Atty. Vic Rodriguez kung sino ang nararapat na mabigyan ng puwesto na walang bahid ng korapsyon.

Marami ang aplikante isa na rito si Atty. Aldwin Alegre na dating deputy commissioner ng BI sa panahon ni dating commissioner Jaime Morente, ngunit hindi ito pinalad at ang napili ay si Atty. Norman Tansingco na siyang hepe ng ahensya hanggang sa kasalukuyan.

Pansamantalang nawala sa pamahalaan itong si Alegre hanggang pinasok nito ang magulong larangan ng show business at nakapag-produce ng pelikulang “Mang Kanor” at nagkaroon ng programa sa social media patungkol sa legal advice bilang abogado.

Ngunit ngayong linggo lamang ay marami ang tumaas ang kilay mula sa BI kung paanong nakalusot na nakakuha at nakabalik muli sa puwesto itong si Mang Kanor samantalang noon sa kanyang kapanahunan ay maraming alegasyon dito ng umano’y korupsyon na inilabas ng kasamahan natin sa pagsusulat, isa na ang yumaong kaibigan natin na si Percy Lapid, na isiniwalat kung paano nakabili itong opisyal ng isang umano’y high end SUV na bulletproof sa halagang P10M.

Ito naman ay kanyang itinanggi at sinabing hindi daw bulletproof ang kanyang sasakyan… Ilang buwan pa lamang sa puwesto itong si Mang Kanor noon, ay nabulabog ang ahensya nang hinuli ng NBI ang driver bodyguard nito sa tapat ng BI building dahil sa reklamong extortion umano sa isang Pinay na asawa ng dayuhan na hinihingan ng ilang milyong piso para matulungan ang dayuhan.

Hindi naman inilaglag, siyempre, ng nahuling empleyado ang kanyang amo at itinanggi kuno na may kinalaman ang kanyang boss… Ano na kaya ang nangyayari ngayon sa administrasyon ni PBBM at tila hindi muna sinusuring maigi ang mga taong inilalagay nila sa puwesto kung ito ba ay karapat-dapat?

Sino kaya ang backer ni Mang Kanor at muli itong nagbabalik sa BI? Alam kaya ito ni ‘LAM’ na siyang nagpapatakbo halos ngayon sa pamahalaan? Wala namang masama kung makatutulong sa pamahalaan at sana’y hindi para sa pansariling pagpapayaman.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

52

Related posts

Leave a Comment