ANONG MERON SA HOA AT KAPIT-TUKO MGA OPISYAL? DHSUD MUKHANG INUTIL?

RAPIDO NI PATRICK TULFO

MARAMI nang reklamo ang natanggap ng Rapido tungkol sa mga opisyal ng Homeowners Association kung saan ayaw bumaba sa pwesto.

Pinakamagulong reklamo ng HOA na nahawakan namin ay itong kaso ng HOA sa Multinational Village sa Parañaque City. Lumalabas na dalawa ang paksyon ng HOA dito kung saan umabot pa sa Court of Appeals ang kanilang kaso para lang sa pwesto.

Ngayon naman ay nakatanggap kaming muli ng reklamo sa HOA naman ng Amaia Scapes sa Laguna. Ayaw umanong bumaba sa pwesto ng kasalukuyang nakaupong mga opisyal ng HOA na nasa 10 taon nang nanunungkulan.

Hindi raw matanggap ng grupo ni Sherwin Ong ang naging resulta ng eleksyon kung saan siya at kanyang mga kagrupo ay natalo. Sa ipinadala sa aming kopya ng resulta ng eleksyon, malaki ang lamang ng nanalong bagong Board Members ng kanilang HOA. Pero naninindigan ang mga dapat na “outgoing” officials na hindi sila bababa sa pwesto.

Sinabihan namin ang mga nanghihingi ng tulong na magsampa ng kaso pero naisip kong paano magsasampa ng kaso ang mga simpleng mamamayan kung wala silang pantustos sa abogado?

Hindi tulad ng ibang mga opisyal na may pera, handa silang maglabas ng malaking halaga para sa posisyon. Katulad sa Multinational Village na nakaabot pa sa Court of Appeals para lang sa pwesto.

Ano bang meron sa HOA at nagsusumiksik sila sa pwesto? May nagbulong sa akin na ‘yung iba raw ay may kanya-kanyang mga kontak sa DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development).

Mukha yatang pugad na rin ng korupsyon ang DHSUD kaya maraming problema sa HOA na hindi nila nasosolusyunan nang tama at mabilis. Ano ba ang trabaho ng DHSUD sa mga HOA kung kinakailangan pang magsampa ng kaso bago sila kumilos? Kasi kung ganoong kailangan pang magkaso bago sila kumilos, hindi na dapat sila kailangan diyan, kaya marapat lang na i-dissolve na lang ang kanilang departamentong pinopondohan ng bayan. Dalhin na lang sa pulis ang desisyon ng korte para sa implementasyon ng desisyon at ‘di na kailangan pa ang DHSUD na tila inutil sa mga gulo sa HOA.

Ayokong isipin na tanging ang may pera lang ang nakakaupo sa pwesto sa HOA na siyang may mga contact sa DHSUD. Paano naman kung may pera nga sila pero ayaw sa kanila ng community bilang mga pinuno?

Lalo na ‘yung matagal na sa pwesto sa HOA at 10 taon nang nakaupo, bakit kapit-tuko pa rin? Anong meron at ayaw n’yong tanggapin na talo kayo? Malaki ba ang kitaan sa HOA? May mga madidiskubre ba ang mga bagong uupo kaya ayaw n’yong umalis?

Mapapaisip ka talaga eh.

276

Related posts

Leave a Comment