TAGAYTAY CITY – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang solong motorcycle rider na nangholdap sa isang kilalang convenience store sa lungsod noong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa ulat, bandang alas-2:45 ng madaling araw noong Linggo nang pumasok ang suspek na nagpanggap na customer, sa convenience store sa Tagaytay-Amadeo Road, Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City.
Nang matiyak ng suspek na walang customer, nagdeklara ito ng holdap at tinutukan ng baril ang cashier na si Jimma Martinez at tinangay ang P20,000 cash na kita ng tindahan, at isang Samsung Galaxy A5 na nagkakahalaga ng P7,000.
Pagkaraan ay tumakas ang suspek lulan ng dark gray na motorsiklong Yamaha Mio Gear.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa closed circuit television (CCTV) para sa pagkakakilanlan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
