ANYARE SA LTO?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin maresolba ang problema sa kakapusan ng motorcycle at four wheels vehicle plates.

Matagal mo nang nabili ang iyong motor at four wheels vehicle ay umaabot pa ng taon bago maire-release ang mga plaka nito.

Ang malaking problema, kapag may bago kang sasakyan at wala pang plaka, madalas ka pang sisitahin ng mga awtoridad sa kalsada.

Pagkukulang ba ng nakabili ng sasakyan na wala pa siyang plaka?

Ang usapin sa madalas na pagsita sa mga sasakyan na walang plaka ay nagpapakita lamang na kulang sa koordinasyon ang Land Transportation Office (LTO) at traffic enforcement.

Bakit laging sisitahin ng traffic enforcer ang bagong biling sasakyan na ang LTO naman ang dahilan kung bakit natatagalan ang paglabas ng plaka nito?

Ngayon may panibagong problema na naman ang LTO, kinakapos daw ng suplay ng plastic cards.

Kung hindi tayo nagkakamali, ang sinasabing plastic cards na ito ang ginagamit sa paggawa ng driver’s license.

Ibig sabihin, apektado nito ang pag-isyu ng driver’s license sa mga bagong kukuha at magre-renew nito.

Nakatakdang maglunsad ang LTO at Department of Information and Communications Technology (DICT) ng online o electronic na bersyon ng driver’s license.

Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, ang digital driver’s license ang magsisilbing alternatibo sa pisikal na license card at maaari itong ma-access o makita sa isang “super app” na nilikha ng DICT.

“The advantage of the digital license is that motorists can present it to law enforcement officers during apprehension. It is equivalent to presenting the physical driver’s license,” paliwanag ni Tugade.

“We also appreciate the way the super app functions similarly to a wallet, containing all government IDs, among other things, within your mobile device,” dagdag pa nito.

Ipinunto pa ni Tugade na may mapagpipilian na rin ang publiko mula sa paggamit ng papel na Official Receipt (OR) bilang pansamantalang driver’s license sa gitna ng kinakapos nang suplay ng plastic cards.

Bukod sa digital na driver’s license, sinabi ng LTO chief na maaaring magamit ng publiko ang “super app” para sa iba’t ibang transaksyon sa ahensya tulad ng license registration at renewal gayundin ang online payments.

Kaugnay naman ng usapin ng seguridad, nabatid mula kay Tugade na ang ginagamit na security features ng pisikal na driver’s license ay kasama na rin sa digital na bersyon nito, bukod pa sa sariling security measures ng “super app.”

Maraming nagtataka na kung kailan naging computerized na ang transaksyon sa mga tanggapan ng gobyerno ay saka naman lalong bumagal ang pagre-release ng mga dokumentong kinakailangan ng taumbayan.

Hindi kaya ang may problema ay ang mga humahawak ng computer sa mga tanggapan ng gobyerno?

Bakit sa ibang bansa na fully computerized na, hindi naman nagkakaroon ng problema na tulad sa Pilipinas?

Kahit ano pang sinasabi ng LTO na may alternatibo sila sa kakapusan ng plastic cards ay hindi pa rin nila mapagtatakpan ang kanilang kapalpakan.

46

Related posts

Leave a Comment