SA kabila ng mga magagandang benepisyo na ibinibigay ng kasalukuyang administrasyon sa pulisya ay may mga lumilihis pa rin sa chain of command nito.
Hindi pa man lumalamig ang isyu ng pamamaril ni Staff Sgt. Jonel Nuezca sa mag-inang kapitbahay niya sa Paniqui, Tarlac kamakailan ay ito naman ang apat (4) na pulis na nagbigay dungis na naman sa ating Pambansang Pulisya.
Ito ay sina PLt. Reynaldo Basa, Jr.; PCpl. Gino dela Cruz; PCpl. Edesyr Victor Alipio at PCpl. Godofrey Duclayon Parantela.
Ang apat na ito ay nahuli ng pinagsamang drug-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency National Capital Region at Criminal Investigation and Detection Group CIDG Northern Police District, CIDG Zambales at iba pang operatiba sa may SBMA, Olongapo City kamakailan.
Ang mga lespung ito ay hindi lang ordinaryong protektor ng sindikato kundi kasama rin sila sa nagpapakalat ng shabu sa ibat ibang lugar sa Region 3 at Metro Manila.
Ang kakapal ng mga mukha nyo!
‘Di na kayo nahiya, saan ngayon pupulutin ang inyong mga pamilya? Di nyo ba inisip ang kahihiyan na aabutin nila pagnabulilyaso kayo sa inyong mga kalokohan?!
Sasabihin nyo pa na may drug operation kayo laban sa shabu lab, mga ungas! sino ang maniniwala sa inyo?
Sayang ang mga pagod at sakripisyo niyo bago kayo nakapasok sa pagiging isang alagad ng batas, tapos sa isang saglit lang ay sisirain nyo sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga ilegalista.
Nakatalaga pa man din kayo sa Drug Enforcement Unit ng Olongapo City Police.
Kayo ang naatasan na manghuli ng mga nasasangkot sa ilegal na gawain na may kinalaman sa droga, tapos kasabwat na rin pala kayo sa sindikato?
Ang sinalakay na shabu laboratory sa SBMA ay pinatatakbo daw ng isang Canadian national na nakilalang si Timothy Hartley na nakatakas sa isinagawang pagsalakay.
Pero huli raw itong si Jerico Dabu na tumakbo papunta sa tinitirahan nito kung saan nandun ang shabu lab na kaya raw makapag-produce ng 3 hanggang 4 kilos sa isang araw.
Siyempre hindi nakalusot ang mga ungas na pulis na ito sa maliliksing miyembro ng raiding team.
Ang nasa likod daw ng shabu lab ay ang mga Canadian European at American-Chinese at Filipinos Drug Syndicate.
Kabilang sa mga ebidensiya sa drug operations ng mga awtoridad sa shabu lab sa # 366-B Finback St., West Kalayaan, SBMA Freeport Zone, Olongapo City ay ang Clandestine Illegal Drug
Laboratory for manufacturing shabu; MOL 1kg of shabu; MOL 300g of shabu (subject of sale); Four (4) Celphone Smartphone; One (1) Keypod Celphone; Four (4) Glock 17, caliber .9mm; One (1)
Honda Civic bearing plate no. UKM 779; 8. Marked Money at One (1) Oppo Cellphone.
Kaya nararapat lang talaga magkaroon ng bitay laban sa mga ganitong gawain dahil maraming tao na ang pinapatay ng mga ito.
Kung iisipin lang nila sa bawat isang tao na makagagamit ng shabu at magiging adik siya, ilang tao at pamilya ang kanyang mapeperwisyo o papatayin?
Di ba nakukunsensiya ang mga awtoridad na nakikipagsabwatan sa sindikato ng ilegal na droga?
Kahit pa dumami ang pera ninyo sa pamamagitan naman ng masamang paraan ay hindi rin kayo magiging masaya. Iba talaga ang nagmula sa mabuting paraan at pinaghirapan na may katahimikan.
Mismong kunsensya na ninyo ang hindi magpapatahimik sa inyo, sa panahon ng inyong pag-iisa ay maiisip din ninyo lalo na kung may nagbuwis ng buhay dahil sa inyong kalokohan.
Lalo na nang manumpa kayo sa tungkulin, ang sabi nyo ay ‘to serve and protect’ kayo sa taumbayan.
Ang laking kasalanan ng ginawa ninyo sa harapan ng gobyerno at sa Panginoon.
Dapat palakasin din ang values sa mga unipormado at isaksak sa kanilang mga utak na ang ibinigay sa kanilang kapangyarihan kasama ng kanilang mga armas ay hindi gagamitin para sa pang-aabuso sa kanilang pinagsisilbihan at pinoprotektahan.
Bakit pala nawala na ang counter intelligence ng PNP?
Malaking tulong sana ito sa mga miyembro ng PNP na pinaghihinalaang nasasangkot sa ibat-ibang ilegal na gawain.
Dahil dito, pabor ang PUNA sa bitay sa mga nasasangkot sa ilegal na droga.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
