ARAW-ARAW APRIL FOOLS’ DAY SA PINAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LUMIPAS muli ang paggunita ng Mahal na Araw. Tapos na ang bakasyon grande. Balik sa kayod kalabaw ang karamihang Pinoy. Susugal na naman sa reyalidad ng masikip na trapiko sa kalunsuran. Titiisin ang matinding init ng panahon, mahal na presyo ng mga bilihin, gasolina, renta at transportasyon.

Walang magagawa kaya sumunod na lang sa timpla ng sitwasyon at kondisyon.

Maraming mahahalagang isyu na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno pero, iba ang binibigyan ng sobrang atensyon.

Kaya ngayong April Fools’ Day, ang kapilyuhan at kakulitan ng mga tao sa paggawa ng mga kalokohan at biro ay sisiw na lamang sa mga prank na araw-araw ay nangyayari sa bansa. Ang tradisyon ng April Fools ay naging kaswal na.

Ang tradisyon ng pagbibiro at kung paano ito nagsimula ay nananatiling misteryo. Ayon sa ilang historian, ito ay nagsimula nang unang gamitin ang Gregorian calendar. Walang kamalay-malay ang iba na Enero 1 na ang Bagong Taon na ipinagdiriwang sa huling bahagi ng Marso.

Marami pang bersyon ng mga teorya tungkol sa April Fools kaya hayaan na natin anoman ang mga iyon – ang importante ay ang mga trip sa kasalukuyang panahon.

Gaya nitong mga survey tungkol sa Cha-cha na hindi natin malaman kung tunay na pulso ng mamamayan at kung alin ang totoo.

Sa survey kasi ng Pulse Asia, lumabas na 74% ng mga Pilipino ang naniniwalang kailanman ay hindi dapat amyendahan ang Saligang Batas. Sa nasabi ring survey, lumabas na nasa 88% ng mga Pilipino ay hindi pabor sa Cha-cha.

Bago nito, sa resulta ng survey na isinagawa ng Tangere, lumabas namang 52% ng mga Pinoy ang sumusuporta sa Cha-cha. Gulo ‘di ba?

Heto na: ayon sa isang mambabatas, ang survey na karamihan ng Pinoy ay kontra sa Cha-cha ay maaaring parte ng smear campaign para maliitin ang pagsisikap na amyendahan ang economic provisions sa 1987 Constitution.

Para sa isa pang mambabatas, ito ay may pagkiling at ang mga tanong ay may impluwensya sa resulta.

May pabor at hindi sa dalawang survey. May kumukwestyon kapag hindi naaayon sa kanilang kagustuhan ang resulta.

Bakit kasi ipinagdidiinan ang Cha-cha sa panahong maraming problema ang bansa na dapat unang bigyan ng pansin at remedyo.

Ituon na muna ng gobyerno ang atensyon at oras sa mga problema na nangangailangan ng agarang aksyon.

Ang tunay na survey ay ang nakikitang kahirapan sa bansa, hindi maibabang presyo ng mga bilihin, mababang sahod, at iba pa na mabigat na pasanin ng mahihirap.

Hindi biro ang mabuhay at hindi rin biro ang kahirapan.

Kaso ang daming prank na nasasaksihan kaya sa Pilipinas, ang tradisyon ng pagbibiro at kalokohan ay hindi lang nangyayari sa unang araw ng Abril – kundi sa lahat ng petsa ng buong taon.

52

Related posts

Leave a Comment