ARTIFICIAL INTELLIGENCE: PROTEKSYON O PANGANIB?

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, naglalatag ng malinaw na hakbang ang House Bill 9448 o Protection of Labor Against Artificial Intelligence Automation Act.

Ang bill ay inihain ni Quezon City Representative Juan Carlos “Arjo” Atayde.

Sinasabing layon ng panukala na tiyakin ang maayos at makatarungang paggamit ng artificial intelligence (AI) at automation systems sa larangan ng paggawa.

Sa ilalim ng nasabing panukala, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng AI o automated system bilang basehan sa pagpili o pagtanggal ng mga empleyado.

Ang layunin, dapat protektahan ang mga manggagawa laban sa hindi makatarungan at di-makataong pagsibak mula sa kanilang mga trabaho.

Hindi lamang basta-basta maaaring tanggalin, bawasan ang sahod, o benepisyo, o kaya’y alisin sa trabaho ang isang manggagawa para palitan ng AI o automated system.

Ayon sa bill, may kaukulang proseso at kondisyon na dapat sundin bago maganap ang ganitong hakbang.

Nagsasaad din ang panukala na ang paggamit ng AI o automated technology ay maaaring payagan kung ito ay mapatunayang valid ang retrenchment at ito ay naaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa pamamagitan nito, hindi lamang pinapayagan ang teknolohiya, kundi iniuukit din ang mahigpit na regulasyon para sa proteksyon ng mga manggagawa.

Sa pahayag ni Representative Atayde, inilahad ang layunin ng panukala na palakasin ang proteksyon para sa mga manggagawa na maaaring mawalan ng trabaho dahil sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya.

Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagpapairal ng mga patakaran sa pamahalaan para sa tamang paggamit ng AI sa larangan ng paggawa. Subalit, hindi rin maikakaila na may mga parusang inilatag ang panukala para sa mga lalabag.

Ang parusang pagkakakulong na umaabot sa anim na buwan hanggang anim na taon, ay maglalagay ng seryosong banta sa sinoman na lalabag sa itinakdang regulasyon.

Dagdag pa rito, ang posibilidad ng deportation proceeding para sa mga dayuhang lalabag, ay nagbibigay ng masusing babala sa mga kumpanya na hindi susunod dito.

Sa pangkalahatan, ang House Bill 9448 ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mga regulasyon na magbibigay ng balanse sa pagitan ng pag-unlad ng teknolohiya at pangangailangan ng mga manggagawa. Sa pagpasa nito, nagbibigay ito ng mensahe na ang pag-usbong ng AI ay dapat na kaakibat ng makatarungan at proteksyon sa mga indibidwal na maaaring maapektuhan.

103

Related posts

Leave a Comment