TARGET ni KA REX CAYANONG
ANG ilang impormasyon ay naglalabasan na at sa mga kaganapan sa International Criminal Court (ICC) case na kinakaharap nina Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte, parang nagbabago ang ihip ng hangin.
Kumpirmado ni Sen. Bato na ang kanyang legal counsel na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na rin ang magiging abogado niya, kasama na ang dating Pangulo, sa nasabing kaso sa ICC.
Matatandaang unang inanunsyo ni Dela Rosa na si Senador Francis Tolentino ang kanyang abogado, ngunit tila nagbago ang ihip ng hangin.
Ayon kay Dela Rosa, abala si Tolentino para sa kanyang re-election, kaya’t si Roque na ang tatayong lead counsel ng depensa.
Sinabi naman niya na tutulong pa rin si Tolentino sa kanyang kaso sa ICC, isang pagpapatunay ng pagkakaisa sa gitna ng pagsubok na kinahaharap ng mga kaalyado sa pulitika.
Ang pahayag na ito ay tila sumabay naman sa impormasyon mula kay dating Senador Antonio Trillanes IV, na nagbukas na ng imbestigasyon ang mga prosecutor ng ICC dito sa Pilipinas.
Sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa kasong ito, walang pag-aalinlangan si Dela Rosa na haharapin niya ang ICC investigation.
Ang pagkakaroon ng isang kilalang abogado na gaya ni Roque ay tila nagbibigay ng kumpiyansa sa senador at sa dating pangulo.
Sa pangunguna ni Roque, inaasahan na mabibigyan ng sapat na depensa ang kanilang panig sa harap ng pandaigdigang hukuman.
Sa kabila ng lahat, muling nanindigan si Dela Rosa na ang imbestigasyon ay dapat nasa kamay ng pamahalaan.
Ngunit muling iginiit ng senador na handa siyang harapin ito at hindi magtatago kung ito’y papayagan ng administrasyon.
At sa ganang akin, hindi naman dapat manghihimasok ang ICC sa internal affairs ng bansa dahil gumagana naman ang ating justice system.
Abangan na lang po natin ang susunod na kabanata.
150