KAALAMAN Ni Mike Romero
SINABI ni Sen. Bato dela Rosa sa isinagawang pagdinig sa Senado kamakailan, hindi pa rin ligtas sa kasong kinasasangkutan ni Sgt. Rodolfo Mayo si dating Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin, Jr.
Si Sen. Dela Rosa ay matagal ding naging pulis hanggang sa pamunuan niya ang PNP.
Kaya kahit anong sabihin ng mga pulis ngayon ay ‘di n’yo siya kayang paikutin.
Kumbinsido po tayo sa sinasabi ni Sen. Dela Rosa na maaaring dawit si Azurin sa illegal activities ni Mayo.
Una pa lamang, sa command responsibility ay may pananagutan na si Azurin dahil under niya si Sgt. Mayo.
Pangalawa, lumalabas sa imbestigasyon na si Azurin ang pumigil sa mga operatiba na isama si Mayo sa isa pang operasyon kung saan mas maraming shabu raw ang nakaimbak sa lugar.
Dahilan daw ni Azurin ay baka patayin si Mayo.
Maaaring ayaw ni Azurin na mamatay si Mayo para marami siyang maikantang opisyal ng PNP na nasa likod niya.
May mga nagdududa naman na ayaw lang ng opisyal na makumpiska ang marami pang shabu mula sa Pasig City.
Kaya ayon wala ngang nakumpiskang shabu mula sa Pasig City dahil ‘di natuloy ang operasyon ng mga awtoridad laban dito.
Maraming katanungan din ngayon kung bakit hindi naisama si Lt. Gen. Benjamin Santos sa mga pulis naiipit ngayon sa kasong kinasasangkutan ni Sgt Mayo.
Nauna nang sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos ang tangkang cover-up sa 990 kilos ng shabu.
At ang nasa likod nito ay mga opisyal mismo ng PNP.
Mukhang ang naiipit ngayon ay si BGen. Narciso Domingo na dating hepe ng PNP Drug Enforcement kung saan galing din si Sgt. Mayo.
Mukhang naging tambakan ng shabu na huli sa operasyon ng ‘Ninja Cops’, ang WPD lending company na pag-aari ni Sgt. Mayo sa Maynila kaya umabot ng 990 kilos ang shabu na may halagang P6.7 billion.
Sa batas ay walang sinasabi na kapag pinakamataas ang posisyon mo sa gobyerno ay ligtas ka sa kaso, lalo na kung katulad nitong bulto- bultong shabu ang kinasasangkutan mo.
Kaya dapat ipatupad nila nang tama ang batas, dapat na walang kinikilingan, dahil kung hindi gagawin ito ay mauulit at mauulit ito.
166