BAGONG BATAS NG CHINA SA WPS PANANAKOT

KASAMA sa malalagay sa panganib ang mga mangingisdang Pinoy na nagtutungo sa West Philippine Sea (WPS) sa bagong batas ng China.

Binibigyan kasi nito ng pahintulot na gamitan ng pwersa o barilin ng kanilang Coast Guard ang sinumang magtutungo na hindi nila kalahi sa nasabing karagatan na kanilang inaangkin.

Ito ay nagpapatunay na pagbabanta o pananakot lalo na sa mga maliliit na bansa na umaangkin din sa WPS.

Kawawang Juan dela Cruz ‘di kayang ipagtanggol ang kanyang sariling nasasakupan laban sa mga mananakop.

Ibang klase ang China dinadaan nilang lagi ang lakas at laki ng kanilang bansa para manakot sa kalapit nilang mga maliliit na bansa.

Kamakailan ay isang ­mangingisda na si Larry Hugo mula sa Pag-asa Island sa WPS ang natakot sa nakita niyang mga ­malalaking barko ng China sa nabanggit na karagatan.

Si Hugo ay isa lamang sa mga mangingisdang Pinoy na apektado ng bagong batas na ito ng China sa WPS.

Siyempre nga naman kung tototohanin ang utos ng Coast Guard ng China na barilin o gamitan ng pwersa ang sinumang papasok sa karagatan, ano nga naman ang magagawa ng ordinaryong ­mangingisda na tulad ni Hugo?

Kaya wala siyang nagawa ­kundi kunan na lamang ng video mula sa kaniyang cellphone ang naglalakihang barko ng mga tsekwa.

Hindi na biro ang ginagawa ng China sa WPS ito ay isa ng militarisasyon at gusto na talaga nilang solohin ang nabanggit na karagatan.

Inaangkin kasi ng China ang nasabing malawak na karagatan base sa kanilang tinawag na “nine-dash line”, ito ay base sa historic map na na-published noong 1947.

Kasama dito ang buong West Philippine Sea, Sprartlys, ­Scaborough Shoal at ang Paracel Islands.

Ang karagatan na ito ay ­inaangkin din ng mga bansang Pilipinas, ­Vietnam, Taiwan, Malaysia at Brunei.

Natural ang unang maaapektuhan ay ang mga mangingisda ng mga bansang nabanggit dahil sa bagong batas ng China laban sa mga papasok sa WPS.

Ang China ay isa sa mga signatory ng 1994 United Nation’s Convention of the Laws of the Seas (UNCLOS) na minsan nang pumabor sa protesta ng Pilipinas.

Ang UNCLOS ay binubuo ng 120 mga bansa sa buong mundo na nagkasundo na ang katubigan at mga isla sa loob ng 200 nautical miles mula sa baybayin sa isang partikular na bansang ito ay parte ng kanilang domain o Exclusive Economic Zone (EEZ).

Malinaw na may karapatan ang Pilipinas dahil mula sa Scaborough Shoal ay mayroon lamang itong 120 nautical miles hanggang Zambales.

Samantala mula China ay umaabot ng 500 nautical miles ang layo, subalit hindi ito kinilala at ang kanila lamang pinagbabasehan ay ang kanilang tinawag na “nine-dash line”.

Panahon na sigurong magkaisa ang Pilipinas, Vietnam, Taiwan, Malaysia at Brunei laban sa China. Hindi na biro ang ginagawa nila sa kanilang mga kalapit na maliliit na bansa.

Katunayan riyan gumagawa na sila ng mga artificial islands na nilalagyan nila ng mga landing field para sa kanilang mga armas militar.

Nagpapatunay lamang niyan na wala silang respeto sa soberenya ng mga maliliit na bansa.

Tsk! Tsk! Tsk! Sana maresolba ang problemang ito sa lalong ­madaling panahon.

At sana maghigpit din ang ­ating mga awtoridad laban sa mga kahina-hinalang mga tsekwa na pumapasok sa bansa.

Baka isang araw paggising natin ay gobyerno na ng China ang nagpapatakbo sa Pilipinas at gagawin na lamang tayong probinsiya nila.

Huwag naman sana, kaya dapat kumilos ang mga nakaupo ngayon sa gobyerno.

Gawin nila ang nararapat hindi naman natin kailangan makipaggiyera sa kanila.

Maaari naman tayo magprotesta laban sa kanila nariyan naman ang United Nations na dapat nating hingan ng tulong.

Kung hindi tayo kikilos ngayon, sino at kailan?

Kailangan ipaglaban natin ang ating karapatan laban sa mga mang-aapi sa atin.

Siyempre kasabay niyan ay dasal na gabayan tayo ng Panginoon sa ating ipinaglalaban.

Ingat po tayo sa bagong variant ng COVID-19 (UK variant), ­Maligayang Buwan ng mga Puso!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

92

Related posts

Leave a Comment