BAGONG KAMAG-ANAK INC. SA MARCOS ADMIN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMI ang nabibiyayaan ng pagbabalik ng mga Marcos sa Palasyo. Nakabuwelta rin ang mga pamilyang dikit sa kanila.

Marami na ngang kamag-anak si Marcos na nasa puwesto. Nariyan si Imee na nasa Senado, Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos-Manotoc, presidential son na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at ang pinsan ng Pangulo na si Martin Romualdez na speaker ng Kamara de Representantes.

Wala nang pag-asang maligwak ang dinastiya at nepotismo sa gobyerno kahit ano pang pagsisikap na burahin ito. Nariyan na ‘yan at mananatili ang nakaugaliang Kamag-anak Incorporated.

Hindi nagpahuli ang mga Yulo. Nabingwit ni Ma. Antonia Yulo-Loyzaga ang posisyong Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Nagkaroon ng posisyon na hindi pinaghirapan, hindi nag-apply, ni gumastos tulad ng iba na nagpaluwal ng milyones kaya sinuklian ng puwesto sa gobyerno.

Pinagpala. Mabango kay Marcos sa kabila ng mga eskandalong kinasasangkutan.

Uriratin natin si DENR Sec. Yulo. Sa apelyido pa lang, bigatin na ang kanyang pamilya. Anak siya ng nasirang Luis Yulo na mas kilala bilang katiwala o crony ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Maraming Yulo at Araneta ang naging mag-asawa kaya hindi rin iba si Ma. Antonia kay First Lady Liza Araneta. Pinagdikit ng ika nga by affinity na kaugnayan kaya naging isang malaking pamilya ang angkan ng mga Marcos, Yulo at Araneta na kabilang sa mga pinakamayaman sa bansa.

Subalit, may paratang sa mga Yulo ng pangangamkam ng lupa, tulad ng giit ng mga magsasaka sa mga bayan ng Canlubang, Laguna, at sa Coron at Busuanga sa Palawan.

Dinadawit din daw sa land grabbing si Greggy Araneta. Pero kakaiba ang mga Yulo dahil nagawa ng kanilang sugo sa gobyerno na ilugso ang implementasyon ng Republic Act 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law.

Mas mabangis ang mga Yulo. Hinaing nga ng mga residente ng Sitio Buntog sa Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna, sadyang sinunog umano ang buong komunidad noong 2021 para bigyang-daan ang proyekto ng San Cristobal Realty Development Corporation na pag-aari ng mga Yulo.

Sa Palawan, ilang taon na ang lumipas, nagbuwis na rin ng buhay para sa karapatan ang isang magsasaka na binaril umano ng guwardya ng Yulo King Ranch.

Ilang buwan na ang panawagan kay Yulo-Loyzaga para bumaba sa pwesto. Ang iba ay nag-aabang na kikilos ang Pangulo.

Kaso manigas kayo sa kahihintay. Iba ang dating ni Sec. Yulo-Loyzaga sa Pangulo at maging sa Unang Ginang Liza Araneta.

Matibay. Lalo pang magiging matatag.

Ano ang saysay ng pagiging magkamag-anak?

66

Related posts

Leave a Comment