BAKIT HINDI POPULAR ANG CHA-CHA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY katuwiran ang maraming netizens na kahit amyendahan ang 1987 Constitution kung pare-parehong mga tao at pamilya ng mga pulitiko ang nagpapatakbo sa gobyerno ay asahan na ‘di magkakaroon ng pagbabago.

Simula nang magkaisip ako ay narinig ko na ang mga pangalan ng karamihan, karamihan ha, sa mga pulitiko sa ating bansa at hanggang ngayon ay nandyan pa rin sila na naghahari sa kanilang probinsya.

Ginawa nilang sariling kaharian ang kanilang probinsya na walang puwedeng pumalit sa kanila kundi ang kanilang mga anak at kapag wala pang anak na nasa tamang edad ay ang kanilang kapatid ang kanilang ilalarga.

Kaya sakaling magtagumpay ang mga Kongresista na maamyendahan ang Saligang Batas na bunga ng mapayapang rebolusyon noong 1986 na nagpatalsik sa pamilyang Marcos sa Malacañang, ay asahan mong nandyan pa rin ang political dynasties.

Ibig sabihin ‘wag kang aasa na may pagbabago kung pare-pareho ang apelyido ng mga lider ng bansa na nagpapatakbo sa gobyerno dahil kung talagang may malasakit ang mga iyan sa bayan, matagal na tayong umasenso.

‘Yan ang dahilan kung bakit hindi popular ang Charter change sa mga tao pero ipinipilit pa rin ng mga kongresista at isinasangkalan ang economic provisions kaya raw tayo hindi umaasenso.

Teka! Ang South Korea at Taiwan ay hindi umasa sa mga dayuhang negosyante pero isa sila sa mayayamang bansa sa Asya. Bakit? Dahil sa kanilang industriyalisasyon. Pinalakas nila ang kanilang sariling industriya.

Dito sa Pilipinas, wala tayong sariling industriya. Ang pagawaan natin ng bakal sa Mindanao ay isinapribado at bagama’t agricultural country tayo ay wala tayong industriya para iproseso ang ating mga ani.

Sabi ng Lolo ko, ang daming pagawaan ng damit sa Pilipinas dati pero ngayon ay inaangkat na lamang natin ang mga sinusuot natin dahil namatay ang industriyang ito dahil pinabayaan sila ng gobyerno.

Kung talagang nais ng gobyerno na umasenso ang ating bansa at magkaroon ng maraming trabaho, magtayo ng mga industriya dahil mayaman naman tayo sa raw materials.

Pero kung hindi gagawin ‘yan, ‘wag umasa na aasenso pa tayo kahit pa amyendahan ang 1987 Constitution, dahil walang bansa sa mundo na yumaman na walang sariling negosyo.

Parang tao lang ‘yan, kahit anong sipag mong magtrabaho kung hindi ikaw ang may-ari ng negosyo ay hindi ka aasenso. Walang empleyado ang yumaman, ika nga ng Tatay ko.

Hindi sagot sa kahirapan ng bansa na buksan nang buong-buo ang negosyo at lupain sa bansa para tayo umasenso kung wala tayong sariling negosyo at nauuna ang korupsyon kaysa serbisyo.

Pero kung talagang kailangang amyendahan ang Konstitusyon, unahin ang pagbuwag sa political dynasties para palitan ang mga pulitiko na nakasasawa na ang mga pagmumukha.

249

Related posts

Leave a Comment