GOV’T HOUSING PROJECT, ETSAPWERA ANG MEDIA?

PUNA ni JOEL AMONGO

SA unang pagpasok ng bagong National Housing Authority (NHA) General Manager na si Joeben Tai kamakailan ay nagpatawag agad siya ng press conference sa mga taga-media.

Marami ang dumating mula sa print, radio, television, news online at vloggers, kung baga dinagsa ang patawag ni GM Tai sa mga taga-media.

Sa nasabing pulong balitaan ay inilatag ni GM Tai ang kanyang mga plano bilang bagong GM ng NHA.

Kabilang sa sinabi niya ay titiyakin niya na mas maganda at maayos ang pabahay na itatayo ng NHA sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Ayon sa kanya, sa 6 na milyong housing units na ipinangakong ipatatayo ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa loob ng kanyang 6-taon na panunungkulan, 1.3-million dito ang nakaatang sa NHA para ipatayo nila.

Ang natitirang 4.7 housing units ay paghahati-hatian ng iba pang ahensya ng gobyerno para ipatayo nila.

Sa question and answer portion ng presscon ay natanong si GM Tai kung kasama ba ang hanay ng media na pwedeng makakuha ng pabahay nila, sinagot niya ito na hindi raw kasama sa kanilang mandato na pagkalooban ng pabahay ang 4th state. Ganun?

Sa halip ay sinabi niya na ang kanilang ipinatatayong housing units ay para sa mga Pilipino na naapektuhan ng mga proyekto ng gobyerno tulad ng mga tinamaan ng pagpapalawak ng kalsada, tatamaan ng mga riles ng tren (MRT), mga pinaalis mula sa estero at kanal, gilid ng sapa at ilog, naapektuhan ng iba’t ibang demolisyon.

Local Government Units din daw ang nakakaalam kung sino ang kanilang irerekomenda para mabigyan ng pabahay ng NHA.

Pakiramdam tuloy ng mga taga-media, lagi na lamang sila nagagamit ng gobyerno sa publisidad subalit sa mga proyekto na pinondohan ng pamahalaan ay etsapwera naman sila.

Ayon pa sa mga taga-media na dumalo sa nabanggit na presscon na ipinatawag ni GM Tai, hindi naman daw nila hinihinging libre ang housing unit, kaysa nga naman nangungupahan sila mas maganda pa na sa NHA housing unit na lang nila ibayad ang kanilang buwanang renta ng kanilang kasalukuyang inuupahan.

Kaya maraming nagtataka kapag kailangan ng gobyerno ang media ay madali nilang naiimbitahan para sa ilabas ang kanilang mga proyekto na kailangang malaman ng publiko.

Mabigyan sana ng pansin ni PBBM ang hinaing na ito ng mga taga-media, partikular sa pabahay ng gobyerno.

Ang pagkakaroon ng sariling bahay ng isang pamilya ay nagbibigay ng dignidad sa kanila, lalo sa kanilang padre de pamilya na nasa media industry.

Nalalagay sa panganib ang buhay ng media practitioner pero kulang ang kanyang natatanggap na proteksyon mula sa gobyerno.

Malaki ang papel ng media sa paghubog ng mga Pilipino para sila ay maging responsableng mamamayan ng Inang Bayan, subalit hindi ito nabibigyan ng pansin ng gobyerno.

Kailan at sino ang magpapahalaga sa mga nagagawa ng mga taga-media sa lipunan?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

154

Related posts

Leave a Comment