BAKIT MAS MARAMING NAMAMATAY SA BARANGAY ELECTION?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NITONG nakaraang mga araw, marami tayong nabasang mga ulat hinggil sa paglikida sa ilang Barangay at Sangguniang kabataan (SK) election candidates kaya parang mas madugo ang halalang ito kaysa regular election ng local at national candidates.

Noong Agosto 29, isang araw pagkatapos buksan ng Commission on Election (Comelec) ang registration para sa mga gustong kumandidato sa barangay at SK election, ay dalawa agad ang pinatay.

Kinabibilangan ‘yan ng mga kandidato sa pagka-chairman sa Midsayap, South Cotabato, at Libon sa Albay at sinundan pa ‘yan ng ilang pagpatay habang papalapit ang BSKE na gaganapin sa Oktubre 30.

Ano bang mayroon sa mga barangay, bakit maraming gustong maging chairman o kaya konsehal gayung kumpara sa kanilang mayor at city o municipal councilors, ay hindi naman kalakihan ang kanilang suweldo?

Sa malalayong mga barangay nga, mataas na ang P5,000 na honorarium nila kada buwan kaya magtataka ka bakit pinagpapatayan ang pwestong ito na kung tutuusin ay masakit sa ulo lalo na kung ang pinamumunuang barangay ay maraming pasaway, maraming basagulero, maraming adik at kung ano-ano pang problema.

Oo nga’t may parte ang mga barangay sa Internal Revenue Allotment (IRA) na natatanggap ng kanilang siyudad o munisipalidad mula sa national government, hindi naman kalakihan ito dahil sa mga first class municipality, hanggang P100,000 lang parte ng bawat barangay.

Kaya mapapatanong ka, bakit mas nagiging madugo ang BSKE kaysa eleksyon ng mga local at national candidate. Ano bang sumpa meron sa mga barangay, bakit marami ang nagkakainteres maging barangay chairman?

Ayaw kong mag-isip ng masama pero hindi kaya may kinalaman ang local officials kaya may mga nagpapatayan talaga sa BSKE?

Ganito kasi ‘yan, napakahalaga na hawak sa leeg ni Mayor ang barangay chairmen sa kanyang nasasakupang lugar para sa kanyang reelection o eleksyon ng kanyang misis, tatay, nanay, kapatid o anak.

Mas malaki kasi ang pag-asang manalo muli si Mayor kapag nasa ilalim ng kanyang palda ang barangay chairmen sa kanyang nasasakupan kaya inaalagaan niya ang mga iyan at tinitiyak na mananalo sila kapag panahon ng BSKE.

Hindi kaya diyan nagsisimula ang madugong BSKE? Nagtatanong lang naman tayo dahil magtataka ka, bakit walang nareresolbang kaso ng mga pinatay na kandidato sa pagka-barangay chairman o barangay council?

Wala tayong naririnig na may mga nakulong sa ganitong uri ng patayan at wala ring tayong naririnig mula sa local officials na pagkondena lalo na kung hindi nila kakampi ang biktima ng asasinasyon. ‘Yun lang.

340

Related posts

Leave a Comment