BAND AID SOLUTION SA GUTOM

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

FOOD stamp program, tugon sa gutom? Siguro nga pero baka panandalian lang. Flagship program ito ng administrasyong Marcos na tutugon sa gutom.

Abangan natin kung ang sinasabing flagship program ng gobyerno ay magpapakalma sa nag-aalburutong tiyan na walang laman.

Ayan, aarangkada na sa Hulyo ang implementasyon ng food stamp program matapos makuha ang suporta ng House Committee on Social Services.

Mula sa 3,000 noong pilot implementation, puntirya ng DSWD na pumalo sa 300,000 pamilya ang benepisyaryo ng programa. Nasa 100,000 pamilya pa lang daw ang kayang tugunan ng programa kaya hihilingin ng DSWD sa Department of Budget and Management ang dagdag na pondo.

Ang programa ay mayroong P1.89-billion budget ngayong taon para sa unang yugto ng implementasyon at kakailanganin ang P17 billion para maparami ito sa 600,000 beneficiaries sa sunod na taon.

Eh, target ng programa na tugunan ang pangangailangan ng mahigit 1 milyong gutom na pamilya sa bansa kaya hanggang langit na ang pondong ilalaan pa sa mga susunod na yugto.

Pondo na galing sa buwis ng mga tao. Kaya nababanas ang ilang taxpayer dahil nagpapakahirap sila sa trabaho pero ang kinakaltas na buwis ay napupunta lang sa programang pang-ayuda sa pinakamahihirap daw sa mahirap na mga pamilya.

Hindi sa nagdadamot sila pero tama naman na hindi dapat turuang maging palaasa ang mga tao.

Makatatanggap nga pala ng P3,000 kada buwan ang mga benepisyaryo. Ito ay ilalagay sa electronic transfer card na hindi maaaring hugutin at puwede lang ipambili ng piling goods and commodities mula sa mga partner na tindahan.

Hindi kasama ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Food Stamp program dahil sa provision sa budget.

Sabagay, maraming hindi kabilang sa 4Ps ang nakararanas ng gutom kaya tama nang laging isasama ang mga benepisyaryo nito na may cash grant naman para sa pag-aaral at nutrisyon ng mga nag-aaral.

Nais nga ring dagdagan ang cash grant sa mga miyembro ng 4Ps kaya, tulad ng nakagawian , hirit-pondo uli ang ahensiya.

Tingnan naman ang ibang hikahos na nakatanghod din sa biyaya mula sa gobyerno.

Hindi raw dole out ang food stamp. Hindi rin ayuda dahil may 2 kondisyon, ang una kailangang dumalo ang mga beneficiary ng nutrition education session kada buwan para turuan sila na sa murang halaga ay kayang makapaghanda ng pagkain na masarap. Dadalo rin ang mga ito sa job fairs ng DOLE at kung hindi makakakuha ng trabaho ay ilalapit sa TESDA para makapag-training at makakuha ng bagong kasanayan para makapagtrabaho.

Bakit naman kailangan pang busugin ng food stamp kung pwedeng direktang sanayin at bigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga tao para makahanap ng trabaho.

Trabaho ang dapat ibigay sa halip pinamimihasa sa limos ang mga tao.

Pinapaasa ang mga tao para kapag oras na ng paniningil ay yuyuko sa hiling ng mga may kapangyarihan at poder.

Kung solusyon ang gustong gawin, sana ay ‘yung pangmatagalan.

Sabi nga, walang gutom kung walang korupsyon. ‘Yang mga bigay-bigay na ‘yan alam naman nating magandang taktika at puhunan para sa halalan.

40

Related posts

Leave a Comment