BUMABANGON ANG PH BILLIARDS SA TULONG NG SHARKS BILLIARDS ASSN

SA wakas, ang billiards sa Pilipinas ay magkakaroon ng masiglang pagbabalik sa pamamagitan ng unang propesyonal na liga ng pool na isinusulong ng Sharks Billiards Association.

Ang liga na ito ay magtatampok ng apat na koponan na kumakatawan sa pangunahing mga isla ng bansa—Luzon, Visayas, at Mindanao—kasama ang isa pang koponan mula sa sentro ng billiards sa bansa, ayon kay Commissioner Chino Trinidad.

Ang proyektong ito ay pinamumunuan ni Hadley Mariano, Chief Executive Officer at founder, kasama sina Chief Operating Officer Mark Orendain at Commissioner Trinidad, na nagpakilala sa liga sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex.

Napapanahon ang ganitong hakbang upang muling buhayin ang billiards sa Pilipinas. Sa nakaraang mga taon, tila naisantabi ang interes at suporta sa sport na ito, na minsan nang nagbigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng mga tulad nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante. Ang pagbuo ng isang propesyonal na liga ay hindi lamang magbibigay ng bagong pagkakataon sa mga beterano kundi pati na rin sa mga bagong sibol na manlalaro na hindi nabibigyan ng sapat na pansin at suporta.

Isa sa pangunahing mga layunin ng Sharks ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga manlalarong magagaling ngunit hindi nabibigyan ng sapat na exposure at suporta. “Marami akong nakikitang players na magaling pero hindi nabibigyan ng pagkakataon. So itong mga player na ito, gusto ko silang unahin kasi wala silang sponsor, wala silang manager, hindi makasali sa mga tournament,” ani Mariano sa ulat ng ABS-CBN. Sa pamamagitan ng liga, magkakaroon sila ng pagkakataong ipakita ang kanilang galing at mapabilang sa pangunahing mga manlalaro ng bansa.

Ang bawat koponan ay bubuuin ng limang manlalaro na tataas sa anim at walo sa susunod na mga season. Magkakaroon ng kompetisyon sa singles, doubles, at 5-on-5 na format na may kaukulang sistema ng puntos.

Hindi lamang ito isang simpleng liga; ito ay isang propesyonal na liga kung saan ang mga manlalaro ay magkakaroon ng kani-kanilang suweldo, kontrata, at propesyonal na pagsasanay. Ang pagsisimula ng liga sa Agosto, o mas maaga pa, ay naglalayong magbigay ng matibay na pundasyon para sa pagbabalik ng kasikatan ng billiards sa bansa.

Ito ay isang malaking hakbang sa pagpapalakas ng ating national pride at pagbibigay ng bagong pag-asa sa ating mga manlalaro.

Sa kabuuan, ang aktibidad na ito ng Sharks Billiards Association ay isang positibong hakbang sa muling pagbangon ng Philippine billiards. Sa pagsuporta ng pamunuan at komunidad, inaasahang muli nating makikita ang Pilipinas sa mga pandaigdigang entablado ng billiards, dala ang bagong henerasyon ng mga kampeon.

37

Related posts

Leave a Comment