BANTA SA INTEGRIDAD NG HALALAN

HABANG abala ang marami sa paghahanda para sa ­nalalapit na halalan, patuloy naman ang pagpapalakas ng pwersa ng mga armadong grupong karaniwang gamit ng mga kilalang politiko mula sa kanayunan.

Ayon sa Palasyo, 14 private armed groups ang tuluyan nang nalansag ng National Task Force for the Disbandment of Private Armed Groups (NTF-DPAGs). Pagmamalaki pa ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, higit pa sa kanilang taunang target ang kanilang nalansag mula Enero.

Ang siste, tila ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) lang yata ang napagtuunan ng pansin ng pamahalaang sumasaklaw sa 7,101 isla sa buong kapuluan. Nawaglit sa kampanya kontra private armies ng mga pulitiko ang mga lalawigan sa Luzon at Visayas kung saan may mga naitalang pamamaslang at karahasang ka­ugnay ng nalalapit na halalan.

Sa tala ng Philippine National Police (PNP), hindi bababa sa 488 munisipalidad at 58 siyudad ang nasa paunang talaan ng mga lugar sa ilalim ng kategoryang election hotspots para sa nalalapit na halalan sa Mayo ng susunod na taon.

Bagama’t idineklarang election hotspot ng Commission on Elections (Comelec) ang buong BARMM, maituturing pa ring mainit ang nalalabing bahagi ng Mindanao.

Paano na ang Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Basilan, Sulu, Cagayan de Oro at tatlong lalawigan sa Davao region?

Hindi rin dapat ipagwalang bahala ang Isabela, ­Northern Samar, Abra, La Union, Cagayan, Isabela, Batangas, ­Oriental Mindoro, Bicol region, Masbate, Negros Occidental, Nueva Ecija, Zambales, Pangasinan, at iba pang lugar kung saan naghahari ang political warlords.

Paano na ‘yung mga lugar kung saan patuloy na banta ang mga terorista, mga rebeldeng komunista at mga bayarang armadong grupo?

Hindi dapat minamaliit ng Palasyo ang kakayahan ng ­private armies na kung minsan ay ikinukubli bilang blue guards kung hindi man mga “security personnel” ng mga lalawigan.

Ilan na nga ba ang napatay ng private armed groups? Batay sa isinapublikong pag-aaral, mayroong 558 private armies noong taong 1993. Sa masigasig na kampanya ng mga nakalipas na administrasyon laban sa private armies, bumaba ang bilang nito sa 154 grupong naghahasik ng lagim sa malaking bahagi ng bansa.

Kung pagbabasehan ang bilang ng mga nalansag na private armies ng NTF-DPAG, mukhang malayo pa rin ang landas na kailangang tahakin bago pa man tuluyang magapi ang political warlords na nasa likod ng mga armadong grupong sadyang inorganisa at tinutustusan sa hangaring mapanatili ang kanilang impluwensya at kapangyarihan sa mga lokalidad na kanilang itinuturing na kaharian.

2

Related posts

Leave a Comment