BASURA KA, JINGGOY

BISTADOR ni RUDY SIM

SA kabila ng mainit na pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersyal na PDEA leaks, kinumpirma ng dating ahente ng ahensya na si Jonathan Morales na siya mismo ang nag-imbestiga at gumawa ng dokumentong kumalat sa social media na iniugnay si Bongbong Marcos at ang aktres na si Maricel Soriano na gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot noong 2012.

Sa ikalawa at ikatlong paggisa ng mga senador kay Morales ay napansin ng maraming netizens na hindi naging patas ang isinagawang pagdinig dahil imbes na sana’y malaman ang katotohanan ng taumbayan ay tila naging abogado pa ni Pangulong Marcos Jr., lalo na itong si Jinggoy Estrada, na bigo sa kanyang kagustuhang gibain ang pagkatao ni Morales.

Bakit sina Grace Poe, Robin Padilla, Chiz Escudero at iba pang akala nating matatapang na mga senador na inihalal ng taumbayan, ay pinagdudahan ang pagkatao ni Morales, ito ba ay dahil kapwa nilang artista ang isang nasasangkot sa isyu? Sa paglutang ni Maricel Soriano sa pagdinig ay kinumpirma nito na sa kanya nga ang Unit 4-C ng Rizal Tower building sa Rockwell, Makati City kung saan ay dito umano naganap ang pagsinghot, ayon sa Pre-Operation Report ni Morales.

Natatandaan ko pa noong araw na ako ay isang radio reporter, kung saan ako ay naka-assigned noon sa lungsod ng Makati, ay tama nga ang sinabi ni Senator Bato na minsang inireklamo si Soriano ng kanyang kasambahay dahil sa pananakit at alegasyong gumagamit ito ng cocaine na itinatanggi naman ng aktres, at pinalabas pang ninakawan siya ng kanyang dating kasambahay. Ganito kahirap ang hustisya sa bansa lalo’t isa lamang hamak na katulong ang humihingi ng tulong.

Sa huling pagdinig sa Senado ay supalpal itong si Jinggoy Estrada kay Morales, at halatang-halata na gigil na gigil ang senador upang masira ang kredibilidad ng dating PDEA agent, ngunit marami ang humanga nang sabihin kay Jinggoy ni Morales na ang senador ay “convicted” sa kasong kinaharap nila noon ng kanyang ama na si “Erap” samantalang si Morales ay wala pang criminal conviction sa anomang hukuman.

Tila “Bopols” talaga itong si Jinggoy nang sabihin nito na 15 milyong Pilipino ang bumoto sa kanya. Tama! Pero, ang tanong, hindi kaya nagsisisi na ang mga botanteng naglagay sa ‘yo sa pwesto mo ngayon Mr. Estrada? Dapat sana ay naging patas ka lamang sa inyong imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan na siyang tinututukan ngayon ng sambayanan.

Wala kang karapatan, Jinggoy, para sabihin na ‘wag pakialaman ni Morales ang iyong kaso. Merong pakialam, Jinggoy, si Morales na makialam lalo’t isa siya sa sinasabi mong 15 milyong Pilipino na bumoto sa ‘yo.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

18

Related posts

Leave a Comment