Noong nakaraang linggo, napag-alaman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na may maanomalyang kontrata na pinirmahan ang Pilipinas sa China kaugnay ng P3.6 bilyong Chico River Irrigation Pump Project. Bukod sa napakataas ng interes at may mga dagdag bayarin pa ang kontratang ito, na tunay na disadvantageous o nakasasama para sa Pilipinas, marami pang nilalaman ang kontrata na talagang maanomalya.
Ang isa pa, nakasulat na nga sa kontrata na walang babayarang buwis ang China sa lahat ng kita nito. Nakasaad pa na ang kontraktor ng proyeko ay dapat magmula rin sa isang kompanyang Chinese. Isinaad mismo sa kontrata na ang gagawa ng proyekto ay ang CAMC Engineering Co. Ltd, wala man lamang tiyansa na ibinigay sa mga Filipino na may kakayanan din namang gawin ang proyekto. Talagang money-making scheme ng China ang proyektong ito!
At dahil contractor ng China ang gagawa ng proyekto, siguradong mga Chinese workers din ang gagawa ng proyekto. Lalong darami ang pagpasok ng mga manggagawang Chinese sa bansa, habang nawawalan ng trabaho ang mga Filipino sa sarili nilang bansa.
Hindi na batas ng Pilipinas ang umiiral sa kontratang ito. Ayon sa ating batas, kailangang dumaan sa bidding at procurement process ang mga proyektong ginagawa ng gobyerno. Pagyurak talaga ito sa ating bansa, sa mamamayan nito, at sa batas na umiiral sa ating bansa. Para tayong probinsya na lamang ng China!
Ang isa pang nakababahala sa kontratang ito ay kung ano ang mangyayari kapag hindi nakapagbayad ang Pilipinas sa utang. Nakakatakot na magaya tayo sa Sri Lanka, na dahil hindi sila nakabayad sa utang sa China, inangkin ng China ang kanilang Hambatota Port.
Ngayon ay kontrolado ng China ang port na ito, at pati ang mga army nito ay naroon na. Maaaring ganito rin ang mangyari sa Pilipinas! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
100