Inihayag kamakailan ng 18 multinational drug makers sa bansa sa ilalim ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines na magkaisa upang mag-alok ng mabababang presyo sa kanilang mga gamot.
Kung magkakatotoo ito, kasama sa mga mababawasan ng presyo ay ang mga gamot sa tinatawag na rare disorder, major non-communicable diseases at infectious diseases na karaniwang mga sakit na dumadapo sa tao.
Ang grupo ay plano ring mag-alok ng ‘holistic and comprehensive’ na pagtulong, partikular sa mga may cancer, kabilang ang diskuwento para sa mga laboratory test.
Ang apat na pangunahing non-communicable diseases ay kinabibilangan ng cardiovascular disease, cancer, chronic respiratory disease at diabetes na karaniwang sakit sa ating bansa.
Ang mga sakit na ito ay maituturing nating pangmayaman dahil sa sobrang mahal ng medication nito, subalit wala itong pinipiling estado ng pamumuhay nang dinadapuan nito.
Kaya maganda ang naging aksyon at malaking tulong para sa ating mga kababayan na hirap na makabili ng kanilang mga gamot lalo na yaong mga nagme-maintenance.
Dapat na suportahan ng ating gobyerno ang mga programang ganito partikular ng Department of Health upang matiyak na makabibili ng kanilang gamot ang ating mga mahihirap na mamamayan.
Marami kasi sa ating mga mahihirap na kababayan, lalo na yaong walang pinagkukunan ng pondo na pang suporta sa kanilang maintenance medicines. Hindi sila regular na nakakainom ng gamot o kung minsan ay hindi talaga itinutuloy ang pag-inom ng kanilang gamot kaya lalong lumalala ang sakit.
Kasi kung mahirap ka, mas pipiliin mong unahin ang pagkain ng iyong pamilya kaysa ang iyong gamot. Ang iba naman ay lumalapit na lamang sa mga tinatawag na faith healer para maibsan ang nararamdamang sakit na kadalasan ay hindi naman nalulunasan ang karamdaman.
Idadahilan na kung sa doktor magpapagamot, mahal na nga ang talent fee, mahal pa ang gamot na inirereseta.
Maganda ang naisipang ito ng mga drug manufacturer dahil malaking tulong ito sa mga Pinoy para maging abot-kaya ang kanilang mga medisina. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
209