BAWAT SENTIMO MAHALAGA

HINDI na bago sa hanay ng mga bagong luklok sa pwesto ang isantabi ang proyekto ng sinundang liderato, sa hangaring magpabida sa publiko at layong tuluyang ibaon sa limot ng mga tao ang pinalitan o tinalong punong ­ehekutibo.

Ang masaklap, walang pinipili ang pagbabasura ng mga programa at proyektong pinaglaanan at tinustusan gamit ang pondo ng gobyerno.

Ang siste, muling paglalaanan ng pondo ang kanilang proyektong kung susuriin ay wala rin namang pinag-iba sa programang ibinasura.

Sa gitna ng isang krisis, marahil angkop lang na maging maingat ang mga nasa pwesto. Ang pagbabasura ng mga dinatnang programa at proyekto ng nakaraang administrasyon ay katumbas ng pagsasayang ng limitadong pondo ng bansang sukdulang inilugmok ng ­pandemyang perwisyo.

Buti na lang, hindi ganito mag-isip ang ating bagong pangulo na nagpahiwatig ng ­pagpapatuloy ng mga dinatnang programa at proyekto.

Gayunpaman, sinabi ni Pangulong Ferdi­nand Marcos Jr. na may ilang programang kailangang rebisahin at linisin tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o higit na kilala sa tawag na 4Ps.

Sa ilalim ng naturang programa, buwanang ayuda ang ibinibigay sa mga maralitang pamilya sa hangarin ng pamahalaan na tiyakin ang edukasyon ng mga bata.

Maganda ang layunin ng 4Ps. Gayunpaman, kailangan pa munang linisin ang talaan ng mga benepisaryo upang tiyaking tunay na maralita ang makatatanggap ng agapay ng gobyerno.

Hindi maikakailang may bahid pulitika ang pamamahagi ng local government units (LGU) na nangangasiwa sa aspeto ng paghahanda ng talaan at pangangasiwa sa pamamahagi ng pondo sa mga lalawigan, lungsod at munisipyo.

Maging ang programang Libreng Sakay, itinuloy ng bagong Pangulo. Katwiran niya, hindi wastong pasanin ng publiko ang pasakit na dala ng hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ang giyera kontra droga, ‘di rin planong itigil ng pangulo lalo pa’t totoo naman ang banta ng lintek na droga.

Marami pang makabuluhang programa at proyekto ang nagretirong pangulo. Para kay Marcos, hindi dapat kasabay ng pagbaba sa pwesto ng nakaraang pangulo ang ano mang pinakikinabangan ng mga tao.

Kung mayroon mang bago sa kanyang pagsisimula ng trabaho, ‘yun ay ang katuparan ng kanyang pangako.

211

Related posts

Leave a Comment