Sa Candelaria Bypass Road, Quezon LGU PINAAAKSYON SA PAMBABATO SA MGA MOTORISTA

INIREREKLAMO ng mga motorista ang nangyayaring pambabato sa dumaraang mga sasakyan sa bahagi ng national highway  sa bayan ng Candelaria, sa lalawigan ng Quezon.

Ayon sa reklamo ng mga motorista, perwisyo ang kanilang inaabot sa mga nambabato na nangyayari kapag bumabagtas ng gabi sa Candelaria Bypass Road partikular sa bahagi ng Barangay Mangilag Sur.

Nito lamang Hunyo 30, nabiktima ang isang Arnaldo Fermo habang nagmamaneho ng kanyang kotse.

Narinig na lamang niya ang malakas na kalabog at sinundan ng pagkabasag ng salamin sa tagiliran ng kanyang kotse.

Ayon pa sa mga motorista, walang pinipiling sasakyan ang hindi pa nakikilalang mga suspek. Ngunit ang kalimitang nagiging biktima ay mga pampasaherong bus at mga truck.

Ilan sa mga nabiktima ay ang mga bus na biyaheng Bicol-Manila na kalimitang dumaraan sa nasabing lugar kapag gabi. Hindi naman malaman kung ano ang dahilan ng mga nambabato.

Matagal na rin umanong nangyayari ito mula pa noong buksan sa mga motorista ang Bypass Road noong 2012 na naging pangunahing daanan ng mga sasakyan na pauwi sa mga probinsya sa Quezon at Bicol at pabalik sa Metro Manila.

Isa sa mga pinakagrabeng insidenteng naitala ay ang pagbato sa isang bus na biyaheng Bicol noong nakaraang taon na tinamaan sa mata ang isang pasaherong guro na ikinabulag nito.

Isa rin sa inirereklamo ng mga motorista ay ang sobrang dilim at kawalan ng mga street light doon na nagiging taguan ng mga nambabato.

Ayon naman sa mga residente sa lugar, matagal na ring tinitiktikan ng mga awtoridad ang mga mambabato subalit hindi matiyempuhan dahil sa kadiliman ng gabi.

Nang makarating naman sa kaalaman ng bagong mayor ng bayan ng Candelaria na si Mayor George Suayan, ang mga insidente, kaagad itong nangako na aaksyunan ang problema.

Plano ng mayor na pabantayan sa buong magdamag sa mga tauhan ng Candelaria PNP ang nasa 7.8 kilometers na kahabaan ng Diversion Road at palalagyan ito ng street lights. (NILOU DEL CARMEN)

61

Related posts

Leave a Comment