THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
HINDI pa man pormal na idinedeklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagsisimula ng tag-init, maaga nang nanawagan ang pamahalaan na makiisa ang lahat sa pagsigurong hindi tayo magkakaroon ng problema sa suplay ng kuryente.
Bago pa man matapos ang 2023, nagsabi na ang Department of Energy o DOE na mayroon tayong sapat na suplay ng kuryente para tugunan ang tipikal na pagsipa ng demand kapag uminit na ang panahon. Talaga namang gamit na gamit ang cooling appliances kapag tag-init at sumisipa ang konsumo ng kuryente.
Sino ba naman ang gustong magtiis sa init, hindi ba? Lalo na’t nararamdaman natin ang epekto ng climate change kaya para bang mas mainit pa sa dati nating nararanasan ang temperatura. Umaabot pa nga sa mapanganib na lebel na maaaring magresulta sa heat stroke kung hindi mag-ingat.
Bukod dito, hindi pa natatapos ang El Niño, kaya malamang makadagdag pa ito sa dapat talagang bantayan dahil alam naman natin na maraming pangunahing pangangailangan ang maaaring maapektuhan nito kagaya ng suplay ng pagkain at tubig.
Kaya naman patuloy ang pag-arangkada ng mga kampanyang naglalayong hikayatin ang lahat na magkaisa para mairaos natin ang tag-init, kagaya na lang ng ginagawa ng sektor ng enerhiya.
Ayon sa DOE, tinatayang sisipa sa 13,917 megawatts (MW) ang demand sa Luzon, 2,891 MW naman sa Visayas, at 2,315 MW sa Mindanao – mas mataas kumpara sa aktwal na demand noong nakaraang taon.
Pinangungunahan ng ahensya ang paghikayat sa mga kabahayan at negosyo na mas palawigin pa ang responsable at matipid na paggamit ng kuryente para kahit papaano, ma-manage ang demand.
Hindi man kalakihan ang mababawas sa ating konsumo, kung lahat naman tayo ay makikiisa, siguradong makatutulong ito para hindi tayo pare-pareho magkaproblema at maperwisyo pagdating ng tag-init.
Bukod sa pagtitipid sa paggamit ng kuryente, isinusulong din ng DOE ang pagbili o pag-invest sa mga mas energy efficient na appliances. Sa ilalim ng Philippine Energy Labeling Program ng ahensya, gumagamit ng star rating system sa mga appliances na nasa merkado para mapakita kung alin ang pinaka-efficient na mga gamit.
Kaiisa rin ng DOE ang Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, sa pagsusulong ng bayanihan para sa tag-init. Bukod sa masinop na paggamit ng kuryente, maaga na ring nanawagan ang Meralco sa mga kumpanya na sumali sa Interruptible Load Program o ILP.
Ang ILP ay isang energy demand-side management program kung saan ang mga customer na may malaking konsumo kagaya ng malls at factories ay gumagamit ng sariling generator sets tuwing may idinedeklarang Red Alert ang National Grid Corporation of the Philippines. Layunin nitong maiwasan ang pagkaantala ng serbisyo ng kuryente sa mga kabahayan at maliliit na mga negosyo kapag may kakulangan ng suplay.
Mahigit 100 na customer ng Meralco na tinatayang may kabuuang de-loading capacity na mahigit 500 MW ang kasalukuyang kabilang sa programa, at patuloy pa ring hinihikayat ng Meralco ang malalaking customer na sumali sa programa.
Ayon sa kumpanya, simula ng una itong ipinatupad noong 2014, nasa 1.8 milyong pamilya na ang naibsan ang pagkaantala sa serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco – patunay na epektibo ang programa at talaga namang makatutulong ang bayanihan sa panahon ng tag-init.
Mabuti na rin namang maging maagap at mapaghandaan natin ito, kaysa naman kung kailan nandyan, saka pa lang tayo maghahanap ng solusyon. Iwasan na natin ang pagrereklamo, at simulan na ang pakikiisa para pare-pareho nating maitawid ang mga pagsubok na bunsod ng mainit na panahon.
387