PATAASAN NG IHI NG POLITICIANS AT ‘KABITAN’ SA IMMIGRATION

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TENGANG-KAWALI na lang ang mga lider sa problema ng bansa. Maraming dapat asikasuhin pero iba ang inuurirat.

Higit na binibigyan ng pansin ang bangayan ng mga lider. Habang ipinagyayabang ng kasalukuyang administrasyon ang Bagong Pilipinas ay isinusulong naman ng pinalitan ang paghihiwalay ng Mindanao. Iisang Bayan kontra One Mindanao.

Buti nga raw at dinedma ni Marcos ang One Mindanao ng dating presidente. Maniwala naman kaya ang mga pipol? Patay malisya lang si BBM pero parang may nilulutong paghahanda laban sa mga Duterte.

Sampol: Ang loyalty check ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga police commander sa Mindanao. Bunsod ito ng iginigiit na Mindanao Republic.

Mas kaduda-duda ang performance review sa lahat ng presidential appointee, mula sa itinalaga ni RRD hanggang sa ipinuwesto ni BBM. Matagal bago mapawi ang mga ganitong isyu na tinututukan ng atensyon ng mga lider na ang malamang target ay kamkamin ang kapangyarihan para sa sariling kapakanan.

Parang pataasan ng ihi ang plastikan at linlangan. Kawawa ang mamamayan. Ang problema ay hindi nalulutas dahil nililimliman kaya mangingitlog muli ng isa pang suliranin.

‘To nga, nangitlog na naman – ang oversupply ng itlog. Ang solusyon ng Department of Agriculture para tugunan ang oversupply ng itlog ay hikayatin ang mga Pilipinong kumain ng mas maraming itlog.

Hiniling din ng DA sa ibang ahensya na kumbinsihin ang mga tao na kumain ng mas maraming itlog dahil sa labis na supply ng lokal na produkto na dahilan ng pagbaba ng farm-gate na presyo ng hanggang P4 bawat isa.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at Spokesman Arnel de Mesa, maganda ang produksiyon ngayon dahil maganda ang panahon kaya marami ang supply ng itlog at bumababa ang presyo nito sa merkado.

Ilalapit din ng DA ang produktong itlog sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Nutrition Council (NNC) at iba pang ahensiya para i-promote dahil ang itlog ang isa sa pinakamurang pinagkukunan ng protina para sa mga Pilipino.

Iba ang nasa pamahalaan kung mag-isip ng solusyon sa problema. Iaasa sa mamamayan. Aba mapupurga ng itlog ang mga Pinoy. Pero, hindi naman bumababa ang presyo ng itlog sa pamilihan kahit may oversupply. Kaya paano kakain ng mas maraming itlog ang mga Pinoy kung ang presyo ng isa ay mabigat na sa bulsa.

o0o

Segue tayo sa marites dyan sa Bureau of Immigration.

Matagal nang usap-usapan ang mga lihim na relasyon ng ilang opisyal at kanilang empleyado sa ahensya na ‘yan na hindi na ata matatapos kaya naman talamak ang katiwalian.

Ito nga, may isa pa raw high ranking official sa BI na in love sa kanyang empleyada kaya todo bigay.

Galante raw si Sir kaya mamahaling sasakyan lang naman ang regalo sa kanyang lovey dovey. Hindi lang ‘yan, si Sir din daw ang sponsor ni empleyada sa kanyang pag-aaral ng law.

Madalas daw magbabad sa opisina ng opisyal ang dalawa. Aba, malay natin baka si Sir ang tutor at gumagawa sila ng homework ni Empleyada kaya madalas silang may private time.

Mukhang hindi naman inililihim ni Empleyada ang kanyang swerte dahil panay ang flex niya sa social media ng kanyang shopping at madalas na biyahe abroad.

At dahil dyan, hindi maiwasan ng mga marites na pag-usapan kung paano nasusustentuhan ni Empleyada ang kanyang mga luho.

Paging, Commissioner Norman G. Tansingco, pakilinis ang bakuran mo. Nakahihiya sa taumbayan na lagi na lang pinagnanakawan.

31

Related posts

Leave a Comment