BE WAIS AT MAGDUDA PARA HINDI MALOKO ONLINE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

HINDI na bago sa atin ang mga balita tungkol sa mga nabibiktima ng pandaraya at scam, lalo na’t gamit na gamit natin ang online channels sa komunikasyon at pang-araw-araw na transaksyon.

Dahil sa vulnerability sa mga panloloko, mahalaga ang mga programa kagaya ng kalulunsad lamang na “Be Wais at Magduda” na kampanyang naglalayong protektahan ang mga Pilipino laban sa mapanlinlang na mga gawain online.

Ayon sa 2023 Asian Scam Report, nanguna ang Pilipinas sa bilang ng mga nabibiktima ng scam sa buong rehiyon na may scam rate na 35.9 porsyento. Ang nakababahalang numerong ito ay nagpapakita ng kawalan ng sapat na kaalaman ng maraming mamimili ukol sa iba’t ibang uri ng scam at kung paano ito maiiwasan.

Kaya nga napakamakabuluhan ng kampanyang ito na pinangunahan ng Meta — ang kumpanya sa likod ng mga pinakasikat na social media sites gaya ng Facebook, Instagram at Threads — kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, miyembro ng pribadong sektor at advocacy groups.

Nais nitong itaas ang kamalayan at kaalaman ng mga Pilipino ukol sa iba’t ibang uri ng scam at kung paano ito maiiwasan. Isa sa mga mahalagang aspeto ng kampanya ay ang pagtuturo kung paano matukoy ang misinformation at disinformation, at pati na rin ang walang humpay na paalalang huwag i-share ang lahat ng mga bagay sa social media.

Mahalaga ang papel ng gobyerno at pribadong sektor sa kampanyang ito. Ang pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry, Securities and Exchange Commission, at iba pang ahensya ng gobyerno ay nagpapakita ng kanilang dedikasyon sa pagprotekta sa mga Pilipinong konsyumer.

Ang mga inisyatiba ng iba’t ibang sangay ng lipunan ay mahalaga sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga online na mamamayan, ay malaking tulong sa pagpapaigting ng kampanya para matiyak ang kaligtasan ng publiko, sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maging responsable sa paggamit ng online channels.

Talaga naman kasing kailangan maging mas maingat ang lahat dahil kahit ang mga simpleng pino-post natin sa social media ay maaaring magamit ng masasamang loob.

Kagaya na lamang nitong nauuso na naman na bill reveal challenge kung saan ginagawang katuwaan ang pag-post ng bayarin sa kuryente. Sa gitna ng mga trending na “bill reveal challenge”, nagpaalala ang Meralco, ang isa sa mga distribyutor ng kuryente sa bansa, na iwasan ng publiko ang pag-share ng mga impormasyon sa kanilang bill partikular na ang Customer Account Number at ang kanilang personal na detalye kagaya ng buong pangalan at address.

Ang simpleng pag-post ng electric bill ay maaaring magbigay daan sa mga scammer na gamitin ang impormasyon para sa mapanlinlang na mga gawain.

Dito na rin papasok ang mahalagang papel ng publiko sa paglaban sa mga panloloko online:

Responsibilidad ng bawat isa sa atin na maging mapanuri at mapagmatyag. Kailangan nating maging aktibo sa paghahanap ng kaalaman at impormasyon upang hindi tayo mabiktima ng mga scam. Sa pamamagitan ng pagiging mapanuri, maaari nating protektahan hindi lamang ang ating mga sarili kundi pati na rin ang ating mga mahal sa buhay.

Ang “Be Wais at Magduda” campaign ay hindi lamang isang kampanya laban sa scam. Paalala rin ito na sa kabila ng magagandang dala ng technological advancement, mayroon ding panganib kung hindi tayo magiging maingat. Sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap, maaari nating labanan ang mga scam at mapanlinlang na gawain na nagbabanta sa ating kaligtasan sa digital 1space.

53

Related posts

Leave a Comment