BENTAHE NG ADMINISTRASYON

0

HINDI biro ang gastos ng mga kandidato para sa pagiging Pangulo.

Bigla sumagi sa isip ng publiko si dating ­Pangulong Fidel Ramos na minsang nagsabing tumataginting na P5 bilyon ang kailangan ng isang presidential candidate para ­makapaglunsad ng isang epektibong kampanya – nang walang katiyakang mananalo liban na lamang kung gagamitan ng salamangka, pandaraya at pagbili ng boto.

Dito lamang ang administrasyon. Nasa kanila ang kakayahang makalikom ng pondong kailangan para sa publisidad gamit ang campaign advertisements sa telebisyon, radyo, ­peryodiko at maging sa social media kung saan nagkalat ang trolls na posibleng binabayaran gamit ang pondo ng gobyerno.

Kamakailan lang, naglabas ng ulat ang grupong “Right to Know,” na kinabibilangan ng certified public accountants (CPA) at mga abogado.

Ayon sa grupo, nasa P5.12 bilyon ang buwis na nagawang iwasan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation para lang sa taong 2020.

Ang Pharmally na nakasungkit ng bilyon-bilyong transaksyon sa gobyerno sa gitna ng pighati ng mga mamamayang Pilipino, ay higit na kilala sa likod ng overpriced at substandard na face shields na binili ng gobyerno mula sa kanila.

Ito rin mismo ang kumpanyang ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), ay mayroon lamang paid-up capital na P600,000.

Nagawa nilang makuha ang kontrata kahit pa pinakamahal ang presyong alok nito sa Department of Budget and Management (DBM) na nangasiwa ng moro-morong bidding sa gitna ng pandemya.

Magkano nga ulit? P5.12 bilyon ba kamo? Sa puntong ito, hindi maiwasan isiping sadyang pinlano ang maanomalyang transaksyon bilang paghahanda sa eleksyon.

Kanino nga ba pumasok ang salaping katumbas ng buwis na dapat bayaran ng Pharmally?

Isa lang ang malinaw, hindi lamang sa transaksyong Pharmally kumita ang mga tiwali sa gobyerno. Maging sa pagbili ng rapid test kits sa unang bugso ng pandemya, pihadong may tiba-tiba. Pati sa PhilHealth, syento-por-syento may kumita.

At sa bakuna? Siyempre naman!

Hindi pa kasali sa kwenta ng “Right to Know” ang halaga ng tinatawag na SOP na komisyon sa mga imprastraktura ng gobyerno.

Oops, meron pa – donasyong sapilitan mula sa mga kapitalista.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment