BI DEPCOM NAIS SULUTIN ANG COMM SEAT?

BISTADOR ni RUDY SIM

UMUUGONG ngayon sa Bureau of Immigration (BI) ang tila namumuong hidwaan sa pagitan ng dalawang high ranking official matapos umanong balakin ng isang deputy commissioner na sirain ang kredibilidad ng hepe ng ahensya na si Commissioner Norman Tansingco habang ito ay nasa official trip sa ibang bansa.

Ayon sa report, mariing itinanggi ni Tansingco ang lumabas na ulat na sinabi umano ni Deputy Commissioner Daniel Laogan na planong ipatupad ng ahensya na magkaroon ng amnesty para sa tinatayang 500K illegal aliens na nasa bansa at ito aniya ay kasalukuyan nang pinag-aaralan ng DOJ, ang ahensyang nakasasakop sa BI.

Sinabi ni Tansingco na hindi nito alam kung saan galing ang utos upang ipahayag ni Laogan na mayroon nang proposal ang BI sa justice department dahil ito aniya ay hindi saklaw ng DOJ at kailangan itong magawan ng panibagong batas na ipapasa ng Kongreso. Si Tansingco ay matagal nang nanilbihan bilang empleyado kaya’t naging bihasa na sa immigration law.

Pinangunahan kaya ni Laogan ang Commissioner maging ang DOJ upang magpahayag ito na tinatayang kikita ang BI ng P2 bilyon na manggagaling sa penalties and fines sa higit limandaang libong aktibong kaso ng illegal aliens sa bansa?

Hmm… Kasama na kaya dito ang para kay…. ? Magkano? Sino kaya ang bumulong kay Laogan upang ipahayag ang maling ulat? Matatandaang si Laogan ang pinakahuling appointed ng Palasyo na inilagay sa ahensya matapos ang higit isang taon na nabakante ang puwesto.

Nakatanggap umano ng ulat si Tansingco na mayroon ilang grupo ang maagang nagbebenta ng slot (under the table) sa sinasabing amnesty na kasalukuyang nakasalang sa DOJ. Inihayag ng hepe ng BI na tila hindi nag-iingat sa pagpapahayag ang kanyang deputy ng mga walang basehan at delikadong impormasyon na maaaring magtulak ng korupsyon at masira ang tiwala ng Palasyo kay Tansingco.

Bago pa man napunta sa BI si Laogan ay nagsilbi muna itong president ng Chinese Filipino Business Club Inc. at naging senior adviser ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry. Aba, alam na this!! Pero teka! Bakit kaya sinalo pa ni Laogan itong ilan sa kanyang inabutang staff sa kanyang tanggapan na kilalang tirador sa ahensya?

Dapat mag-iingat sa mga ganitong galawan ang deputy commissioner upang maiwasan ang nangyaring kahihiyan sa BI nang dalawang deputy commissioner sa nakaraang administrasyon ang nakasuhan at kasalukuyan nang nakakulong dahil sa pagtanggap ng umano’y suhol upang pakawalan ang libo-libong Chinese nationals na inaresto ng ahensya dahil sa kawalan ng sapat na dokumento.

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

318

Related posts

Leave a Comment