BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITER SA QATAR, TINULUNGAN NG POLO, OWWA AT DSWD

AKO OFW

Isang kaibigan mula sa Community Against Crime Group (CACG) ang dumulog sa akin upang matulungan ang kanyang kapatid na naging biktima ng illegal recruiter sa Qatar. Ayon kay France, ang kanyang kapatid na si Joseph Tumbado ay pumunta sa Qatar sa tulong ng isang recruitment agency. Ngunit nang dumating s’ya sa Qatar ay wala naman palang employer na mapupuntahan.

Idinulog n’ya ang kanyang problema sa kanyang ahensya, ngunit ito pala ay matagal nang nagsara at wala na s’yang mahingian ng tulong. Upang makaipon ng pera, para sa kanyang pag-uwi at maipadala sa kanyang pamilya ay sinubok ni Joseph ang lahat ng paraan para magkaroon ng part-time job, ngunit lagi na lamang s’yang binabalot ng kanyang kaba dahil sa paghihigpit ng bansang Qatar laban sa illegal alien.

Marami nang nilapitan si France para matulu­ngan ang kanyang kapatid na si Joseph, ngunit pinangakuan lamang s’ya.

Agad kong tinawagan si Labor Attache Davis Des Dicang ng POLO Qatar na hindi nag-atubili na tulu­ngan si Joseph. Agad na pinatawag ni Labor Attache Dicang si Joseph sa kanyang opisina upang mabigyan ng pansamantalang tulong na grocery items habang inaayos pa ang kanyang mga dokumento.

Muling dumulog sa akin si France upang ipa­alam sa akin na ang kanyang kapatid na si Joseph ay naka-confine sa isang ospital dahil nawalan ng malay dahil sa mataas na presyon ng dugo.

Sa pag-uusap namin ni Labor Attache Dicang noong Miyerkoles ay kanyang ibinalita sa akin na nakalabas na ng ospital si Joseph at kanya itong ipinasundo sa mga OWWA staff upang dalhin sa kanyang opisina para iproseso ang mga dokumento sa kanyang pag-uwi. Ibinalita rin niya na sinagot na ng DSWD ang airfare para sa mabilis na pag-uwi ni Joseph.

Hangarin ng Ako OFW na makasamang muli ni Joseph ang kanyang buong pamilya sa lalong madaling panahon upang maibsan na ang kanilang pag-aalala. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

172

Related posts

Leave a Comment