NABANGGIT ni Senador Francis Pangilinan sa kanyang press statement nitong Hunyo 10 ang ibinalita ni Agriculture Secretary William Dar na mahigit dalawang bilyon daw ang binili ng mga pamalaang lokal na mga gulay at prutas ng mga magsasaka nitong panahong ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ang mga nabiling kalakal ay isinama ng local government units (LGUs) sa kanilang food reliefs sa kani-kanilang nasasakupan.
Kalahating totoo, kalahating kasinungalingan ang pahayag ni Dar.
Kalahating totoo dahil totoo namang mayroong mga LGU na namili ng mga gulay at prutas mula sa mga magsasaka ng ilang lalawigan na ginamit na food relief ng isang lungsod at isang bayan sa Central Luzon.
Kalahating kasinungalingan sapagkat hindi totoong mahigit dalawang bilyon ang halaga ng mga gulay at prutas.
Ang Department of Agriculture (DA) na ang pansamantalang pinuno ay si Dr. William Dar lang ang nagsabi na mahigit P2 bilyon.
Isang lungsod lang sa Nueva Ecija at isang bayan sa Bulacan ang nabalitaan kong bumili ng mga produkto ng mga magsasaka.
Kahit dagdagan pa natin ng isa pang lungsod at isa pa uling bayan ay hindi aabot sa mahigit dalawang bilyon ang kabuuang halaga ng mga nabiling gulay at prutas ng mga LGU mula sa napakaraming magsasaka sa dalawang lalawigan.
Bakit ba halos palaging eksaherado si Dar?
Katulad ng minsang nabalitaan kong pahayag ni Dar na kailangang patuloy na umangkat ang Pilipinas ng bigas, sapagkat masyadong maliit daw produksiyon ng mga magsasakang Filipino.
Sinabi rin ni Dar, kailangang umutang ang DA ng bilyun-bilyong pera sa Asian Development Bank (ADB) dahil napakaliit na halaga ng pera ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pondo ng DA sa panahon ng ECQ.
Nabanggit ni Sen. Pangilinan sa kanyang kalatas na humihingi ng tulong ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto upang hindi masayang.
Itinatapon lang ng mga magsasaka ang sobrang ani nila dahil hindi nabibili kahit mura na ang presyo.
“Nakalulungkot at nakaa alarma ito dahil hirap na nga ang mga magsasaka bago pa ang pandemya, nababawasan pa ang kanilang kita. Bukod sa kailangang matulungan sila na magkaroon ng tamang storage at iba’t ibang kasanayan sa canning o bottling, dapat ding siguruhin na mayroong market ang kanilang mga ani,” paliwanag ni Pangilinan ng Liberal Party (LP).
Ani Pangilinan: “Hinihimok natin ang mga LGUs sa Nueva Vizcaya, Ifugao at mga karatig-pro binsya na bilhin ang mga sobrang ani ng ating mga magsasaka. Sa ilalim ng “Sagip – Saka” Law, hindi kailangang dumaan sa mabusisi at matagal na proseso ng procurement ang pagbili sa kanilang ani. Direktang mabibili ng mga LGU, sa pamamagitan ng negotiated procurement, ang sobra-sobrang ani upang hindi masayang at upang madagdagan ang kita ng ating mga magsasaka.”
Maganda ang pananaw na ito ni Pangilinan.
Kahit ako ay ganito ang posisyon at panawagan sa mga alkalde ng Metro Manila.
Bilhin ng mga LGU ang produkto ng mga magsasaka sa mga Rehiyong Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at iba pa.
Dalawa ang posibleng maging layunin ng LGUs sa Metro Manila. Una, matutulungan nito ang mga magsasaka. Ikalawa, matutulungan nila ang mamamayan sa Metro Manila.
Napakalaking bagay kapag ginawa ‘yan ng mga alkalde sapagkat napakamahal ng presyo ng mga gulay at prutas sa Metro Manila.
Halimbawa, ang kamatis ay pumapalo sa P60 hangang P70 kada kilo, repolyo ay P100 bawat kilo, pepino ay P100 pa rin bawat kilo at marami pang iba pa.
Maraming nagagawa ang gulay sa katawan ng tao, kaso ang hirap bilhin dahil nga sa sobrang taas ng presyo.
Napakaraming rason ng mga nagtitinda sa talipapa at palengke kung bakit sobrang taas ng presyo ng mga bilihin.
Isa diyan ay napakamahal ng angkat nila ng mga gulay sa kanilang pinagkukunan.
Kaya, upang mabawasan ang problemang ito ng mga residente sa Metro Manila tulad ko, bilhin ng mga pamahalaang lokal ang mga gulay at prutas upang ipamahagi ang mga ito sa mga residente.
Mas mainam ito kaysa sardinas at noodles.
Sa ganyang desisyon, nakatulong pa nang malaki ang mga alkalde sa mga pangkaraniwang tao.
