Trending ngayon ang isyu kung mahalaga ba ang katapatan o hindi para sa mga kandidato na tumatakbo sa iba’t bang posisyon sa darating May 2019 midterm elections.
Lumikha ito ng iba’t ibang pananaw, opinion at reaksyon mula sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan o mula sa mga opisyal ng kasalukuyang administrasiyon at sa mga kandidato.
Ang isyu ay nag-ugat sa naging pahayag ni Davao City Mayor at Hugpong ng Pagbabago coalition campaign manager Sara Duterte na ang “katapatan/honesty” ng isang kandidato ay hindi dapat isyu sa political campaign dahil lahat naman umano ay nagsisinungaling, kasama ang mga kandidato ng oposisyon.
Ginawa ni Duterte ang pahayag dahil sa pagtatanggol niya sa kanyang dalawang kandidato sa pagkasenador na pinuputake ng pambabatikos mula sa oposisyon, isa rito si Imee Marcos, na umano’y hindi nagsasabi ng totoo kaugnay sa kanyang educational records.
Ipinangangandalakan kasi ni Marcos sa kanyang pangangampanya na nakatapos siya ng kolehiyo at law degree mula sa US-based Ivy League Princeton University at UP College of Law, ayon sa pagkakasunod, subalit kapwa pinabulaanan ng mga nabanggit na schools ang pahayag ni Marcos.
Pinainit ang isyu nang sabihin naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi lahat ng botante ay tinitingnan ang “katapatan” bilang mahalagang katangian sa pagpili ng iuupong kandidato tuwing eleksiyon.
“Kasi, bakit may nahahalal na hindi honest? Ibig sabihin maraming hindi kino-consider ang honesty. Depende sa botante siguro iyon,” dagdag ni Panelo.
Malaking pang-iinsulto ito para sa ating mamamayang Filipino dahil parang minamaliit naman ang ating pagkatao at kakayahan bilang mga botante.
Kasi kawawa naman ang taumbayan na nilloloko lang mga kandidato lalo na ang mga mahihirap bagama’t open secret naman talaga ang mga ginagawang panloloko na ito sa atin tuwing eleksiyon.
Mahalaga talaga tuwing kampanya na makilala natin ang mga kandidato para makapagdesisyon nang tama ang mga botante kung sino ang ating iboboto dahil sila ang kakatawan sa atin.
Kaya, ang katapatan sa pagbibigay ng impormasyon ng isang kandidato ay importante at hindi kasinungalingan para mapaganda lang ang imahe at makapanloko lang ng mga botante.
Sa kabilang dako, maganda rin ang isyung ito upang masukat ang wisdom at mapukaw ang natutulog na kaisipan ng ating milyun-milyong botante sa bansa.
Dahil tayo ang nalalagay sa nakakatawa at nakakainsultong sitwasyon dahil hanggang ngayon nasa millenial age na tayo pero ang utak natin sa botohan parang panahon pa ng mga ninuno natin.
Aminin man natin o hindi, marami pa ring mga botante ang hindi nag-iisip kahit paulit-ulit na tayong sinasamantala at niloloko ng mga kandidatong na humaharap sa atin.
Mangangako na magpatayo ng kung anu-anong mga proyekto, iaangat ang buhay ng mga mahihirap, subalit kahit walang natutupad ay ibinoboto pa rin natin sila.
Ibinoboto natin dahil sila’y sikat kaya marami ang nahahalal na mga artista, hindi ko po minamaliit ang mga artista lalo na yaong mga may karapatan naman talagang manungkulan. May iilan lang naman talaga ang walang karapatan pero paulit-ulit silang ibinoboto dahil sikat sila dahil alam nila iboboto sila parang sinasamantla naman nila ang pagkakataon.
Ang iba naman ay ibinoboto dahil sa “name calling”. Dahil kilala sa kanilang lugar na ang pamilya ng politician, kahit ilang saling-lahi na ito, ibinoboto pa rin kahit hindi na ito kasing galing sa mga nauna nitong kapamilya.
Ang ibang botante naman ay bumuboto sa kung sino ang makapag-abot sa kanila kahit magkanong halaga o isang kilong bigas. Minsan may ilang botante ang maririnig mong magsasabi, “kung sino ang mag-aabot sa akin, siyang iboboto ko.” Dapat nating alalahanin na ang ating pangangailangan ay hindi lang tuwing panahon ng eleksiyon, isipin natin na ang mahalaga ay ang makakatulong talaga sa atin.
Marami ring botante ay yaong mga masasabi nating die hard sa iisang pulitiko o sa nakaupong lider ng bansa, kaya kahit corrupt at mandurugas ang ihaharap na kandidato ay tiyak na iboboto.
Ito’y talagang nangyayari sa mga nakalipas at kasalukuyang administrasyon, talagang hindi naman natin maaalis na magkakaroon ng mga die hard supporters.
Sa isyung ito hindi ang kandidato ang talo kundi tayong mga botante kung hanggang sa ngayon ay mananatili tayong ‘mangmang’ sa pagpili ng ating mga kandidato na magiging kinatawan natin sa anumang posisyon.(Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
313