BUCOR CONSULTANT PASIMUNO SA PAGPUPUSLIT NG KONTRABANDO SA NBP?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI na dapat pang patagalin sa kanyang pwesto itong isang consultant ng Bureau of Corrections (BuCor) na itinuturong nagpapalusot ng mga kontrabando sa New Bilibid Prison (NBP).

Nauna nang inireklamo ng mga preso ang consultant na ito raw ang dahilan kaya hindi nakararating sa kanila ang mga padalang ‘cashless transaction’ ng kanilang mga kamag-anak.

Ibang klase nga, nagpapayaman ang damuhong ito pero ang kanyang pineperwisyo ay ang kawawang mga nakakulong.

Kahit na nakakulong ang mga kababayan natin diyan sa NBP ay may mga pangangailangan din na inaasahan nila na manggagaling sa kanilang mga kamag-anak sa labas, tapos haharangin pa ng consultant na ito. Ang lakas ng loob mo, boy. Sino ba ang padrino mo?

Piling nitong consultant ng BuCor ay hari raw ito sa loob ng NBP. Hindi naniniwala ang mga kamag-anak ng mga preso na hindi nakararating kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr., ang ginagawa ng consultant na ito.

Ngayon, kung totoo na hindi alam ni Gen. Catapang ang ginagawang anomalya ng consultant na ito ng BuCor, ay ipakita niya na hindi niya ito kinukunsinti para maniwala ang taumbayan.

Matapang naman ‘yan si Gen. Catapang, siya ang dating AFP chief of staff noong panahon na nangyari ang pagkamatay ng 44 na mga miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) sa Mindanao.

Kayang-kaya niyang kastiguhin ‘yang naghahari-hariang consultant ng BuCor sa NBP.

Sa pagkakaalam natin, ang mga taong nagkasala sa batas ay hindi lang ikinukulong para parusahan kundi kasama na riyan ang rehabilitasyon para siya ay magbago, para ‘pag natapos na ang sentensiya sa kanya ay nabago na ang kanyang ugali at pagbalik niya sa komunidad ay maaaring na siyang makisalamuha sa mga tao.

Papaanong mababago ang kanilang ugali kung mismong ang consultant pa ng BuCor ang nagpapasimuno sa pagpapalusot ng mga kontrabando sa loob ng kulungan?

Kung hindi gagamitan ng tapang ni Gen. Catapang itong consultant nila para parusahan at sibakin sa kanyang pwesto, dapat ang gumawa ng aksyon ay ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) kung saan nakapailalim ang BuCor.

Nagpalit nga ng mga opisyal riyan sa BuCor pero gumagawa rin naman ng anomalya ang ilang ipinalit sa mga dati, wala ring kwenta. Nagbihis nga ng damit, ganoon din naman ang ipinalit na damit, may mantsa rin.

Ay naku! Lagi na lang. Kailan pa kayo titino? Mahiya naman kayo sa taumbayan!

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

37

Related posts

Leave a Comment