MARAMING ‘DEMONYO’ SA MALACAÑANG NA NAKAPALIBOT KAY PBBM

BALYADOR ni RONALD BULA

NANINIWALA si Senator Imee Marcos na tali ang mga kamay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pagdating sa isinusulong na pagbabago sa Saligang Batas sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Sa isang panayam, sinabi ni Senator Marcos na parang nabihag umano si Pangulong Bongbong ng kung ano-anong mga “demonyo.”

Bago iyan, sinabi ni Senator Imee na maraming “demonyo” sa Malacañang ang nakapalibot sa kanyang kapatid.

Umaasa aniya ang senadora na hindi ito pakikinggan ng Pangulo.

Una nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na “divisive” o nagdudulot ng pagkakawatak-watak ang isinusulong na People’s Initiative.

Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang Senado na pangunahan ang pag-review sa mga dapat baguhin sa economic provisions ng konstitusyon.

Noong Biyernes, tahasang tinukoy ni Senator Imee na mismong ang pinsan niyang si House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng pagbibigay ng milyon-milyong pisong alokasyon sa mga distrito kapalit ng malilikom na mga pirma.

Itinanggi naman ito ni Romualdez at hinamon pa ang pinsan na patunayan ang mga alegasyon.

Samantala, umapela naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Bongbong Marcos na pagsabihan na ang kanyang pinsan na si Speaker Romualdez na itigil na ang kahibangan sa pagsusulong ng People’s Initiative.

Ito’y matapos diretsahang tukuyin ni Pimentel na ang pinsan ng Pangulo na kasalukuyang Speaker ng Kamara, ang siyang nasa likod ng People’s Initiative para sa Charter Change.

Batay aniya sa mga ulat na kanilang nakalap, mga kongresista ang itinuturong nasa likod ng pagpapalagda sa mga tao para tuluyang maitulak ang People’s Initiative.

Giit ni Pimentel, hindi naman kikilos ang mga kongresista kung walang kumpas mula sa kanilang lider na walang iba kundi si Speaker Romualdez.

Punto ni Pimentel, ngayon ay mayroong disruption sa kanilang legislative work dahil sa People’s Initiative na sa kanilang pakiramdam ay hina-hijack ng mga miyembro ng mababang kapulungan.

Umaasa si Pimentel na manghihimasok na ang Pangulo sa pagkakataong ito at dahil bilang pinsan ng speaker ay maaari niyang maimpluwensyahan ito hindi lang bilang kamag-anak kundi bilang isang political ally, na itigil na ang pagsuporta sa People’s Initiative.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, tumawag sa 09397177977 / 09368625001 o ‘di kaya mag-email sa balyador69@gmail.com

38

Related posts

Leave a Comment