SUNUD-SUNOD na ulat na pagkaka-rescue ng mga Trafficking In Person sa Jordan at kabilang dito ang napaulat na bibitayin sa Saudi Arabia.
Si Juhra Pusalan Adjaraman na una nang napaulat na nawawala sa bansang Jordan. Sampung taon na ang lumipas noong siya ay umalis ng Pilipinas at sa loob ng sampung taon na ‘yon ay hindi s’ya nakausap o naputol ang komunikasyon n’ya sa kanyang pamilya.
Kamakailan ay iniulat ng Philippine Overseas Labor Office, OWWA at Philippine Embassy na kanilang natagpuan at nasa kanilang pangangalaga ang ngayon ay 20-anyos na gulang na si Adjaraman.
Samakatuwid, si Adjaraman ay nakalabas ng bansa at nakalusot sa Immigration noong siya ay humigit kumulang na 11-taong gulang pa lamang.
Ang pagkakaaalam natin ay bago pa tuluyang sumabak sa Immigration counters ang mga Immigration Officers ay tinitiyak na kaya nilang makilatis nang mabilis ang mga paalis ng bansa, pero nakapagtataka na hindi man lang nila nakilatis na si Adjaraman ay hindi man lang maituturing na “teenager”.
Naalala ko tuloy ang sumbong ng isa sa mga pitong nasaklolohan ng AKOOFW na mga biktima ng Human Trafficking sa Dubai. Ayon sa kanilang salaysay na isinumite sa DOJ ay sinabi nila na sila ay binigyan ng “instruction” ng kanilang ahente na sa pagpasok nila sa Immigration sa NAIA ay hanapin nila ang isang counter na may “flower base” at may tinukoy pa na kulay ng bulaklak. Lumalabas na ang mga palatandaan o markings pala sa counter ng Immigration ay hindi dekorasyon, kundi isang palatandaan ng ilang sindikato o bulok na ahente ng Immigration.
Kaya, ang Bantay OFW ay nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na silipin at papanagutin ang Bureau of Immigration sa paglaganap ng Human Trafficking sa Pilipinas. Hanggang ngayon at malakas pa rin ang ugong na sa halagang 45,000 hanggang 60,000 pesos ang bigayan sa ilang ahente ng Immigration para lamang makalabas ng bansa ang mga pinapalusot na mga Pinay na ang gamit ay visit o tourist visa lamang.
Makaramdam naman sana ng kanilang konsensya ang ilang tiwaling Immigration Officers lalo ngayon at nakaambang mabitay ang isang menor de edad sa Saudi Arabia at si Adjaraman na nang dahil sa malaking pera na kanilang natanggap sa sindikato ay napahamak at namaltrato sa bansang Jordan. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
oOo
Subaybayan po ninyo ang ating programa sa AKOOFW Teleradyo na Bantay OFW tuwing Biyernes ng gabi na mapapanood sa pamamagitan ng AKOOFW INC Facebook live stream.
142