BUTI PA SI BBM PABYAHE-BYAHE LANG, KANTYAW NG NETIZENS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KUNG sumasakit na ulo mo paano pagkakasyahin ang kinikita ay baka altapresyon ang maramdaman mo dahil kailangan mo nang mag-adjust ng budget.

Bakit kamo? Dahil sa napipintong dagdag-singil sa pamasahe, tubig, kuryente at produktong petrolyo na mas madalas magkasunod ang pagtaas kumpara sa pagbaba.

Ang dagdag-kaba ay ang inaasahang taas-kontribusyon sa Pag-IBIG at PhilHealth.

Ang kontribusyon sa Pag-IBiG ay magiging P200 kada buwan mula dating P100 simula Pebrero 2024.

Magiging 5 porsyento mula dating 4 percent naman ang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Pilay na ang karamihan sa mataas na presyo ng bigas at pangunahing bilihin ay lulumpuhin pa ng inaasahang taas.

Desperasyon kaysa optimistikong pag-asam tuloy ang mabigat na saloobin ng mahihirap na nagsisikap naman makaahon sa buhay.

Kaya natural na pagdiskitahan ang mga biyahe sa ibang bansa ni Pangulong Bongbong Marcos.

Labing-isang foreign trips noong 2023, at ngayon hindi pa nangangalahati ang unang buwan ng bagong taon ay nakaisa na ang Punong Ehekutibo na kamakailan ay dumalo sa royal wedding ng anak ni Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei. Ang pagdalo ng Pangulo sa royal wedding ay pagpapakita ng matibay na relasyon ng Pinas at Brunei. Baka naman pagpapakita na may pagkamaharlika rin siya, patutsada ng mga netizen, na nanggagalaiti ang iba sa pagiging jet-setter ni BBM.

Depensa ng Pangulo: ang kanyang partisipasyon at pagdalo sa mga kaganapan sa ibang bansa ay makatutulong sa ibang bansa na isipin ang tungkol sa Pilipinas. Tingnan din daw ng publiko ang nakukuhang dayuhang pamumuhunan ng kanyang mga biyahe.

Ang 11 biyahe sa ibang bansa ng Pangulo noong isang taon ay nakalikom ng higit P4 trillion sa pamumuhunan o 148 proyekto.

Hindi maramdaman ang balik-resulta. Patutsada ng netizens: ang Pangulo biyahe nang biyahe gamit buwis ng publiko pero ang karaniwang mamamayan ay hindi makapasyal kahit sa ibang bayan dahil sa taas-pasahe.

Kambyo tayo sa inaasahang taas-kontribusyon sa PhilHealth.

Mas magandang benepisyo raw ang katumbas nito, ngunit ang dagdag sa kontribusyon ay malaking halaga na sa ordinaryong mamamayan na naghihigpit na ng sinturon para mapagkasya ang naiuuwing kinaltasang suweldo.

May solusyong ginagawa ang pamahalaan para tugunan ang hinaing ng mga tao tungkol sa inaasahang taas-kontribusyon ngunit gaya ng dati ay pansamantalang remedyo lang.

Pinag-aaralan daw ni PBBM ang request ni Health Secretary Ted Herbosa na suspendihin ang 5 percent hike sa PhilHealth.

Ayan na naman tayo sa pag-aaralan muli. Tuwing may problema at aberya ‘yan naman lagi ang tugon pero sana nga ay iurong muna ito hangga’t matindi ang kahirapan ng nakararami.

Hindi suspensyon ang hinihiling ng publiko kundi kanselasyon ng implementasyon.

38

Related posts

Leave a Comment