HINDI pa tapos ang laban ni Sen. Robin Padilla para sa charter change (cha-cha).
Hanggang ngayon ay buo pa rin ang pananaw niya hinggil dito.
Katunayan, umaasa si Padilla na magsisilbing susi sa pagbabago ng Saligang Batas ang 2025 midterm elections.
Para sa kanya, dapat piliin ang mga mambabatas na suportado ang pag-aamyenda sa Konstitusyon upang makapasok ang dayuhang mamumuhunan at maging mas mabisa ang sistema ng gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa ika-29 anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ipinaliwanag ni Padilla na hindi dapat ihalal ang popular kundi sumusuporta sa pagbabago ng Saligang Batas.
“Sana sa 2025, magkaroon kayo ng intensyon na bumoto ng mga kandidatong ‘di naman kilala pero naniniwala na kailangan nating baguhin ang porma ng gobyerno,” aniya.
Ipinunto ng senador na kailangan na isa na lang ang Kamara para makatipid sa gastos ang gobyerno, mabilis ang mga batas, at sana pumayag na ang gobyerno na pumasok ang ating mga foreign investor.
“Bakit kailangan natin ng foreign investor? Para hindi na mag-abroad ang Pilipino. Para ang foreign investor [ay] dadalhin dito para magkaroon kayo ng trabaho. ‘Yan ho ang kailangan natin,” giit pa ng masipag na mambabatas.
Samantala, isa nang ganap na batas ang One Town, One Product (OTOP) Philippines Act.
Kung hindi ako nagkakamali, author at co-sponsor sa batas na ito si Sen. Bong Go.
Hindi maitatanggi na isa talaga ito sa mga pangunahing batas na itinataguyod ng senador na naglalayong palakasin ang mga maliliit na negosyo sa bansa.
Ang batas ni Go ay naka-angkla sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Kaya naman, hindi nagdalawang-isip si PBBM na pirmahan ito.
Bunga nito, nagpapasalamat si Go sa administrasyong Marcos sa pagkilala sa kahalagahan ng pagsuporta sa MSMEs.
Mahalaga aniya ang pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, at pribadong sektor para paunlarin at palakasin pa lalo ang mga produktong Pilipino para sa export o kaya’y domestic market.
Tama nga naman si Go, dahil backbone ng ating ekonomiya ang MSMEs.
“Ito po ‘yung mga dapat nating bigyan ng importansya, pagtuunan natin ng pansin, tulungan natin na lumago,” sabi nga ng senador.
Talagang importante na bigyan ng bagong pag-asa ang maliliit na negosyante.
Palakasin pa natin ang kanilang kabuhayan.
TARGET ni KA REX CAYANONG
155